Pasahero nahirapang mag-isip kung paano bababa sa jeep dahil sa mag-jowang super sweet




Imahe mula sa Facebook account ni Jäm-jäm Börnïllä Röxäs / Public Domain Image
  • Kinaaliwan ang post ng isang pasaherong netizen
  • Namroblema raw kasi siya kung paano bababa sa sinasakyang pampasaherong jeep
  • Sa pagtingin sa ibinahagi niyang larawan, makikita ang “sweet” na dahilan

Malapit na ang paggunita sa Araw ng mga Puso. Lalabas na naman ang mga “love birds” kahit saang lupalop ka man sumulyap; na tila nang-iinggit pa lalo na sa mga single. May ibang tila nananadya pa, at ipinararamdam sa iyong “in a relationship” sila, at ikaw… nganga!

Kaya naman, kinaaliwan ng mga netizens ang Facebook post ng isang nagngangalang “Jam-jam Bornilla Roxas” matapos daw umano siyang mahirapan sa pag-iisip kung paano siya bababa sa sinasakyan niyang pampasaherong jeep. May “harang” kasi sa bandang dulo ng naturang sasakyan.

Imahe mula sa Facebook account ni Jäm-jäm Börnïllä Röxäs

“Paano ako bababa? Siguro kakanta ako ng ‘bubuka ang bulaklak, dadaan ang single, ang saya-saya!” saad ng pasaherong netizen. Kalakip ng kaniyang post ang dalawang magjowang magkatapatan sa loob ng jeep, magkahawak-kamay, at mapapansing nakasuot pa ng couple outfit. Pareho ang kulay ng pang-itaas, shorts, at sapatos.

Ang linyang ‘bubuka ang bulaklak, dadaan ang single, ang saya-saya’ ay nagmula sa awiting pambatang “Bulaklak” na hindi naglaon ay naging novelty song, na kinanta ng Viva Hot Babes na minodipika at nilapatan ng himig ni Lito Camo.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Sweet naman ng love birds! Huwag masyadong PDA, may pandemic pa po! Social distancing please!” pabirong banat ng isa.

Turan naman ng isa, “Sana nagtabi na lang sila para magka-holding hands sila. Konsiderasyon naman po sa kapwa.”

Public Domain Image

“Grabe, akala mo naman ikagaganda at ikaguguwapo nila ‘yan. Okay lang mag-holding hands pero huwag namang ganiyang nakakasagabal. Kung ako ‘yan, babanggain ko talaga ‘yan! Lalo na ganitong wala akong jowa ha, umiinit ang ulo ko!” pahayag naman ng isa.

Sabi naman ng isa, “Luksong tinik ‘yan, talon ka na raw, tutal wala ka naman daw jowa eh.”

Gentle reminder lang po sa mga love birds: walang masama kung ipapahayag natin ang public display of affection o PDA subalit tiyakin lamang na hindi tayo nakasasagabal… lalo na sa mga single!

Source :

Facebook