Pancit canton naging tema ng Valentine’s cake ng GF para sa kaniyang BF




Imahe mula sa Facebook account ni Aj San Andres
  • Pancit canton ang disenyo ng isang customized cake na regalo ng girlfriend sa kaniyang boyfriend noong Valentine’s Day
  • Mahilig daw kasing kumain ng instant pancit canton ang nobyo
  • Nakalagay rito ang mensaheng “Habang buhay kitang lulutuan ng pancit canton”

Lumalabas talaga ang pagiging malikhain ng mga Pilipino pagdating sa pagpapasaya ng kani-kanilang mga mahal sa buhay, sa panahon ng Valentine’s Day, o kahit sa ano mang uri ng okasyon. Iba kasi ang pakiramdam kapag nakikitang masaya at nakangiti ang minamahal; tila nahuhugasan ang pagod at effort na inilaan para lamang mapasaya sila sa munting regalong ipinagkaloob sa kanila.

Kaya naman, isa sa mga kinaaliwan ang isang kakaibang customized cake na regalo ng netizen na si Aj San Andres para sa kaniyang boyfriend nitong pagdiriwang ng Valentine’s Day. Ibinahagi niya ang kaniyang Facebook post sa closed Facebook group na “What’s your ulam pare?”

Imahe mula sa Facebook account ni Aj San Andres

Nakasaad sa customized Valentine’s cake na “Habang buhay kitang lulutuan ng pancit canton” dahil mahilig daw kumain ng pancit canton ang kaniyang boyfriend. Ang naturang six-inc mocha cake ay may disenyong kagaya ng kilalang instant pancit canton.

“My boyfriend really loves pancit canton, to the fact na he will wake up in the middle of the night para lang magpancit canton, and madalas I cook it for him. So I thought na as a promise, I would say na I would do it for him forever,” paliwanag ni San Andres na taga-Makati City.

Bukod dito, mahilig talaga siyang magbigay ng mga kakaibang regalo sa kaniyang jowa, kaya sanay na raw ito sa kaniya.

“He found it funny pero he knows na I give unusual gifts kaya di siya surprised na ganun ‘yung theme,” paliwanag ni San Andres.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens. m

“This is very unique! Hahaha. Gusto ko rin ng taong paglulutuan ako, hindi lang pancit canton, kundi lahat ng paborito kong pagkain, forever!” saad ng isa.

Turan naman ng isa, “I commend the uniqueness of the gift. Yung effort pa lang, panalo na!”

Imahe mula sa Facebook account ni Aj San Andres

“Sana all may tagaluto ng pancit canton!” pahayag naman ng isa.

Nabili raw ni Andres ang naturang customized cake sa halagang 900 piso sa isang coffee shop sa Maynila.