Oral recitation ng propesor sa kaniyang klase hinango sa pelikulang “Birdbox”




  • Kinaaliwan ng mga netizens ang isang propesor
  • Malikhain at kakaiba ang naging paraan niya para sa oral recitation
  • Ginaya niya ito sa Netflix hit movie na “Birdbox” kung saan inatasan niya ang mga mag-aaral na magsuot ng piring sa mga mata

Sa pagtuturo, mahalaga ang paggamit ng iba’t ibang malikhain subalit naaangkop na pamamaraan, estratehiya, at teknik upang makuha ang interes ng mga mag-aaral, na hindi naman nasasagkaan ang nararapat na pagkatuto. Minsan, kailangan mo lamang sumabay sa kung ano ang mga in, patok o uso upang magawa ito.

Iyan ang naisip ng isang propesor na nagngangalang Kerwin Membrado na nagtuturo ng education courses sa St. Francis Xavier College sa lalawigan ng Agusan del Sur, kung saan hinango niya mula sa Netflix hit movie na “Birdbox” ang kaniyang paandar sa kaniyang oral recitation.

Imahe mula sa Facebook account ni Kerwin Membrado

Kuwento ni Membrado, katatapos lamang niyang panoorin ang pelikula isang araw bago ang aktuwal na gawain niya ng oral recitation. Sa pelikula kasi, kinakailangang magsuot ng blindfold ang mga karanter upang hindi mapahamak.

Tamang-tama namang kinakailangang i-recite ng kaniyang mga mag-aaral ang “7 domains and 37 strands” ng  Philippine Professional Standards for Teachers. Pinabuksan niya ang mga camera at mikropono ng mga gadegts at device nila subalit inatasan niya ang lahat na maglagay ng piring sa kanilang mga mata.

“These diligent students joined the Google Meet with their blindfolds ready. Then, I instructed them about the mechanics of the recitation. Cameras on, microphones on, and blindfolds on,” saad ni Membrado. Ginawa niya ito upang hindi mangahas ang mga mag-aaral na tumingin sa kanilang mga kopya. Mahirap nga naman kasing ma-monitor kung talagang kabisado nila ang kanilang i-recite, o may binabasang kodigo o kopya.

Nagulat man ang mga mag-aaral sa pakulong ito ng kanilang propesor, naging matagumpay naman ito.

Imahe mula sa Facebook account ni Kerwin Membrado

“I did not expect that the recitation would be a success. Throughout the recitation period, I found that some are anxious, some are relaxed. But most of them had a good performance. I was surprised that our learners today are ready to take on different surprises and challenges to meet the demands of our time.”

Kaya naman, may payo si Membrado sa mga kapwa gurong nagsisikap pa ring gampanan ang kanilang mga tungkulin sa kabila ng pandemya.

“To all the teachers in this time of pandemic, it is high time for us to think of outside-the-box activities that will make online learning great. Our students are rooting for us. Together, let’s prove that no pandemic can hinder a mind hungry for knowledge and wisdom. No pandemic can stop us! Padayon, mga guro ng bayan!”

Si Membrado ay nagtapos ng kursong edukasyon sa Philippine Normal University sa Agusan del Sur, Mindanao.