Nakaaaliw na surpresa noong Valentine’s day kinaaliwan




Imahe mula sa Facebook page na Pilipinas Trending Viral
  • Kinaaliwan ang naiibang surpresa ng isang netizen para sa kaniyang special someone
  • Gumamit pa siya ng mga talulot o petals ng bulaklak ng rosas bilang gabay patungo sa kaniyang surpresa
  • Tunay ngang nakatatawa ang naghihintay na surpresa sa dulo

Tapos na ang Valentine’s Day subalit hindi pa rin natatapos ang mga usaping pag-ibig, na talaga namang nakakakilig at nakaaaliw. Ibinabahagi rin ng ilang netizens ang iba’t ibang mga pakulo at paandar kung paano nila ipinagdiwang ito, kasama ang mga mahal sa buhay.

Kaya naman, nagdulot ng katuwaan sa mga online users ang isang nakaaaliw na surpresa umano ng isang netizen para sa kaniyang special someone, na makikita sa Facebook page na “Pilipinas Viral Trending.”

Makikita sa mga kalakip na larawan na may mga talulot ng bulaklak na rosas sa sahig ng isang bahay, na ginamit na gabay patungo sa pinakasurpresa.

Imahe mula sa Facebook page na Pilipinas Trending Viral

Sa dulo nito, bubulaga ang tunay na surpresa: mga tambak pala ng hugasing mga pinagkainan!

Umani naman ito ng iba’t ibang mga reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Natuwa na sana ako hehehe, ‘yun pala ang daming kailangang hugasan. Happy Valentine’s Day!” saad ng isa.

Turan naman ng isa, “Umasa pa naman sana ako na sa dulo, may tunay na surpresa! Hahaha. Nakakaaliw naman ito, in fairness talaga.”

“Hahaha grabe naman iyang pasurprise na iyan! Kung ako ‘yan baka ma-badtrip lang ako eh, hahaha. Hindi ko na talaga alam ang nangyayari sa Earth! Sana naman may tunay na surpresa kung sino man ang ginanyan!” wika naman ng isa.

Pahayag naman ng isa, “Hahaha, nice idea! Pero sana naman, yung gumawa niyan ang magwalis at hindi na yung naghugas. Double jeopardy na ‘yan kapag ganiyan. Love-love lang dapat!”

Imahe mula sa Facebook page na Pilipinas Trending Viral

Sa kabila ng pandemya, hindi pa rin talaga nagpaawat ang mga Pilipino sa pagdiriwang nito, lalo’t mas makahulugan ngayon. Mapalad ang sinomang nakasama pa ang kanilang mga mahal sa buhay sa paggunita ng Araw ng Pag-ibig, habang ang ilan naman, tanging matatamis na alaala na lamang ang kanilang sinariwa.