‘Lipat-bahay’ sa Amerika humakot ng paghanga




Public Domain Image
  • Namangha ang mga netizens sa “lipat-bahay” na naganap sa California
  • Literal na buong estruktura kasi ang inilipat gamit ang isang flat bed at giant dollies
  • Sa Pilipinas, maihahalintulad ito sa sistemang bayanihan

Nakakita na ba kayo ng bahay na literal na inilipat lamang ng puwesto mula sa isang lunan, patungo sa ibang lugar?

Isang Victorian house na tinatayang nasa 139 na taon nang nakatirik ang inilagay sa isang flat bed at saka buong-buong dinala sa San Francisco, California sa Amerika. Ang bahay na ito na kilala sa bansag na “Englander House” ay inilipat dahil may itatayo umanong bagong establishment sa dating kinatitirikang puwesto nito.

Public Domain Image

Ayon sa mga residenteng nakasaksi sa nakamamanghang paglilipat-bahay, ito na ulit ang unang beses na makakita sila ng ganitong pamamaraan, matapos noong 1974. Sa pamamagitan ng “giant dollies,” nailipat ang naturang Englander House, sa halagang $400,000 US dollars.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“That’s actually pretty normal. People can actually buy what’s called a ‘Manufactured House’ and it’s going to get shipped to them by a truck convoy passed some before while driving on the highway. That’s how some people move their houses here,” saad ng isa na naninirahan sa Amerika.

Turan naman ng isa, “Ganyan naman talaga karamihan ng bahay sa Western countries made from woods and bricks hindi na bago ‘yan, even sa mga movies and tv shows, makikita mo na ganyan, malamig kasi sa kanila, kaya ganyan style ng mga bahay nila, kaya nadadala ang mga bahay sa ibang lokasyon.

“In the Philippines, when you say ‘lipat-bahay,’ its not the house itself, only things inside the house. But in this photo as you can see, literally na ‘lipat-bahay’ talaga. Haha.. sana all!” pahayag naman ng isa.

Dito sa Pilipinas, hindi rin tayo pahuhuli, dahil may sistema rin tayo ng paglilipat-bahay na mas kilala sa tawag na “bayanihan” na madalas ginagawa noong unang panahon, kung saan ang mga bahay ay gawa pa sa pawid, kahoy, kawayan, at iba pang mga magagaang kagamitan.

Public Domain Image

Bibitbitin ng kalalakihan ng bayan ang buong bahay, habang ang kababaihan naman ay maaaring nasa itaas pa’t alalayan ang mga gamit na maaaring matumba. Hindi rin uso ang bayad; pameryenda o minindal lamang ay ayos na.

Samantala, napakaraming tao ang namangha at sumubaybay sa lipat-bahay na ito. Panoorin ang video na ibinahagi ng San Francisco Chronicle via YouTube: