Lapu-Lapu City mayor gustong gawing ‘persona non grata’ ang Pinoy rapper na si EZ Mil




Public Domain Image
  • Hindi pa natatapos ang kontrobersiya sa kanta ni Pinoy rapper “EZ Mil”
  • Nais siyang gawing “persona non grata” ng mismong mayor ng Lapu-Lapu City na si Mayor Junard Chan
  • Ibig din niyang magsagawa ng public apology ang Pinoy rapper 

Gustong ideklara ng mismong mayor ng Lapu-Lapu City na si Mayor Junard “Ahong” Chan na “persona non grata” ang Filipino rapper na si “EZ Mil” dahil sa kontrobersyal na liriko ng rap song nitong “Panalo,” na nagbanggit sa uri ng pagkakagapi umano sa bayaning si “Lapu-Lapu,” na naganap sa pulo ng Mactan.

“This is a big insult to us Oponganons. He mocked the person that we consider a hero,” saad ni Mayor Chan sa panayam ng mga reporter nitong Lunes, Pebrero 8, 2021.

Imahe mula sa facebook account ni Mayor Junard Chan / Public Domain Image

Ang salitang ‘Oponganon’ ay tumutukoy sa mga residente ng naturang lungsod, na matatagpuan sa lalawigan ng Cebu.

Sa kaniyang Facebook post, ipinaliwanag ng mayor na nasaling ang kaniyang damdamin sa liriko ng naturang awitin, na matapos mapanood ng mga Pilipinong netizen sa “Wish USA,” ay nagdulot ng iba’t ibang reaksyon at komento. Ang liriko ay “Nanalo na ako noong una pa pinugutan si Lapu sa Mactan.”

“He doesn’t recognize Lapu-Lapu as a hero, he should have not created a song that will irk the people. He should not be looked up to by the youth,” saad ni Chan. Nagkataon pa umanong gugunitain nila ang 500th anniversary ng labanan sa Mactan sa darating na Abril 27, 2021.

Bukod sa pagdedeklarang persona non grata, nais din niyang magsagawa ng public apology ang Pinoy rapper.

Sa isang virtual interview na isinagawa sa kaniya nitong Pebrero 4, 2021, humingi na siya ng dispensa dahil sa naturang liriko. Nagkaroon lamang daw siya ng problema sa rhyming ng kanta, at aminado naman siyang may posibilidad ngang maiba niya ang tala ng kasaysayan dahil sa kaniyang ginawa.

“I’m sorry to anybody who was offended with the fact that me being putting inaccurate sources in our history as Filipinos,” paliwanag niya.

Public Domain Image

“The way I wrote that got people talking. I got people agreeing to it. I got people disagreeing. I got people in the in-betweens. I had to check that all out. The way it is now, people are talking about it. I got to be smart about it,” dagdag pa niya.

Itinuturing na kauna-unahang bayani ng bansa si Datu Lapu-Lapu ng Mactan. Natalo nila sa labanan ang Portuguese explorer na si Ferdinand Magellan, na naglilingkod noon sa ilalim ng pamahalaang Espanya.  Ginawan pa ng pelikula ang pakikipagsapalaran ng unang bayani, na ang bumida ay si Senador Lito Lapid noong 2002.