Gumanap na pari sa music video ng “Paubaya”, ibinahagi ang kuwento sa likod nito




Imahe mula sa Facebook account ni Donald Lapez
  • Ibinahagi ng gumanap na pari sa music video ng “Paubaya” ang kuwento sa likod nito
  • No script daw talaga sina Joshua Garcia at Julia Barretto sa kanilang mga binitiwang diyalogo sa isa’t isa
  • Konsepto raw ito ng mismong sumulat at umawit ng kanta na si Moira Dela Torre

Talaga namang pinag-usapan ng mga netizens ang makabagbag-damdaming music video ng awiting “Paubaya” ni Moira Dela Torre, na binigyang-buhay ng dating magkarelasyon at magkatambal na sina Joshua Garcia at Julia Barretto o mas kilala sa tambalang “JoshLia.” Lumabas ito sa mismong Valentine’s Day nitong Pebrero 14, 2021.

Image capture mula sa YouTube channel

Paano nga naman bang hindi mararamdaman ang “closure scene” dito kung ang dalawang artista, na dating magkarelasyon, ay ginawa itong makatotohanan dahil iyon na raw mismo ang kanilang formal closure, at binitiwan nila ang kanilang mga diyalogo na walang sinusunod na script? Nagulantang buong bayan nang mabalitaan noon ang paghihiwalay nina Joshua at Julia.

Sa ngayon, nali-link si Julia sa Kapamilya actor na si Gerald Anderson bagama’t wala pang kumpirmasyon sa dalawa.

Kaya naman, isinalaysay ng gumanap na pari sa music video na si “Donald Lapez” ang mga kuwento sa likod ng naturang pinag-usapang music video. Siya mismo ang nagpahayag na ang mga linyahang tumatak at tumagos sa puso ng mga netizens ay mula mismo sa dalawang mag-ex.

Images via TikTok

Kuwento niya, matapos makuhanan ang kaniyang eksena, pinalabas na siya mula sa loob ng simbahan. Ang tanging naiwan na lamang sa loob ay sina Moira, Joshua, Julia, ang kanilang direktor, at syempre, ang camera man na siyang kukuha ng mga shots.

“Syempre para magka-moment yung dalawa, at magkaroon ng closure, as in no script or kung ano pa man, just pure words of forgiveness and love,” salaysay ni Lapez.

Mas lalo tuloy itong pinag-usapan. Mapanakit na nga raw ang kanta ni Moira, nadagdagan pa ito dahil sa JoshLia!

Narito ang ilan sa mga reaksyon at komento ng mga netizens:

“Inulit- ulit ko talaga pero naiiyak pa rin ako. Grabe epekto ng JoshLia sa akin plus Moira pa. Congratulations sa makatotohanang pagsasabuhay sa kanta, puwede na maging movie! Sana kung magkakaroon ng movie ang JoshLia, yung Paubaya ang gawing OST (official theme song)!” wika ng isa.

Image capture mula sa YouTube channel

Turan naman ng isa, “Very touching moment, teary eyed ako… kahit senior na ako, naka-relate din naman… much better talaga ‘yung may closure, though each has a soft spot pa rin sa isa’t isa, dahil nga may pinagsamahan din naman sila. Sana hindi naman mag-end ang tambalang JoshLia, bagay na bagay sila as a love team!”

“Ramdam talaga ‘yung guilt sa mga salita ni Julia. And there, Joshua is still sweet and gentle with his words. Not a fan of them pero SANA KAYO PA RIN!!! YUNG CHEMISTRY NINYONG DALAWA NAG-UUMAPAW!” pahayag ng isa.

Sabi naman ng isa, “Nakakaiyak, relate ako mga katagang binitawan ni Joshua, talagang darating ang panahong kailangan mo na siyang i-let go, kahit sa part mo na masakit na palayain siya at hayaan siyang mahalin at makasama ‘yung pinagpalit sa iyo.”

Samantala, nagpasalamat naman si Lapez kay Moira dahil sa pagkakapili sa kaniya bilang talent.

Panoorin ang music video ng ‘Paubaya’ via YouTube channel: