Bugoy Drilon naging emosyonal nang makaawit muli sa “It’s Showtime”




Public Domain Image
  • Naging emosyonal si Bugoy Drilon nang muling makatuntong sa entablado ng “It’s Showtime”
  • Siya ang mystery celebrity singer sa Wednesday episode ng “Hide and Sing”
  • Natuwa rin ang mga hosts sa kaniyang pagbabalik

Napaiyak ang mahusay na singer na si Bugoy Drilon matapos maka awit muli sa “It’s Showtime”; ang noontime show ng ABS-CBN/Kapamilya Channel, nitong Pebrero 10, 2021.

Si Bugoy ang mystery celebrity singer sa patok na segment na “Hide and Sing” kung saan kailangang hulaan ng celebrity guest kung sino sa tatlong mga “nakatago-kanta” ang lehitimong singer. Nang pabatiin siya ng host na si Tyang Amy Perez, inihayag ni Bugoy na na-miss niya ang madlang pipol at ang mga solid Kapamilya viewers.

Image capture mula sa YouTube channel

“Hello Madlang Pipol! Na-miss ko kayo, and I’m so happy to be here po, and to see all of you!” pahayag ni Bugoy, habang naiiyak na siya.

Agad namang nagpahatid ng “We miss you too, Bugoy! Welcome back!” ang isa sa mga hosts nito na si Unkabogable Vice Ganda, Kim Chiu, at iba pa.

Tinanong ni Kim Chiu kung kumusta na si Bugoy at kung ano ang pakiramdam niya, na nakabalik na siya sa stage ng “It’s Showtime,” at sa kabuuan, sa Kapamilya Network kung saan siya nagsimula.

Sumagot naman at hindi nito naikubli ang pag-iyak.

“Salamat po sa inyong lahat… it’s really nice po to be back…” saad ni Bugoy.

Matatandaang sa kasagsagan ng ABS-CBN shutdown noong 2020, marami sa mga empleyado at artista ng Kapamilya network ang napasama sa retrenchment. Nagkaroon din umano ng isyu ang isa sa mga kasamahan ni Bugoy  sa grupong “Budakhel” na si Daryl Ong na naging dahilan upang hindi na sila payagan pang lumabas sa alinmang Kapamilya shows.

Public Domain Image

Dahil dito, hindi na nagtaka pa ang mga televiewers nang masilayan ang Budakhel sa mga shows ng GMA Kapuso Network gaya ng “Eat Bulaga” at “All-Out Sundays o AOS”, gayundin sa “Sunday Noontime Live” ng TV5.  Ang pangatlong miyembro ng Budakhel ay si Michael Pangilinan.

Unang nakilala si Bugoy o “Jay Drilon Bogayan” sa tunay na buhay, bilang first runner-up ng “Pinoy Dream Academy Season 2” noong 2008. Nagkaroon kaagad siya ng hit song na “Paano na Kaya” kahit hindi siya ang itinanghal na grand winner, na nasungkit naman ni Laarni Losala.

Samantala, panoorin ang emosyonal na guesting ni Bugoy Drilon sa “It’s Showtime” via YouTube channel: