Biro ni Mayor Vico hinggil sa paglalagay ng mukha sa mga proyekto: ‘Baka drawingan lang ng bigote!’




Imahe mula sa Twitter ni Mayor Vico Sotto
  • Pinuri ng isang Twitter user ang mga learning materials na ipinamigay sa mga daycare pupils ng Pasig City
  • Hindi raw nakaiilang na gamitin dahil walang mukha ng politiko
  • Pabiro naman ang naging tugon dito ni Mayor Vico Sotto

May pabirong sagot si Pasig City Mayor Vico Sotto sa isang Twitter user na nagsabing hindi talaga nakaiilang na gamitin ang mga learning materials na walang mukha ng mga politiko.

“Maglagay ako ng mukha ko diyan, baka drawingan lang ng mga bata ng bigote!” sagot ni Mayor Vico sa kaniyang Twitter post.

Imahe mula sa Twitter ni Mayor Vico Sotto

Bunga kasi ito ng kaniyang Twitter post na nagbabalitang nakapagpamudmod na sila ng mga learning materials sa mahigit 5,000 daycare pupils.

“Distribution of learning materials for our 5,851 Daycare Students (bumaba nang konti ang enrollment, mula sa 6,514, dahil sa pandemya),” saad ng punong lungsod.

Dagdag pa niya, “Hirap tayo dahil bawal ang face to face. Pero gagawin natin ang lahat para hindi tumigil ang edukasyon ng mga kabataan.”

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“This is the result of having righteous parents who guide and teach him to be human. Thank you Madam Coney Reyes and Sir Vic Sotto for bringing up a good hearted and God-fearing son Mayor Vico. May God protect keep him safe always!” saad ng isa.

Turan naman ng isa, “Tama naman. Nakakairita kaya ‘yung mga learning materials na may mukha o pangalan ng politiko. Nakakahanap pa ng paraan para makapangampanya o magpabango ng pangalan. Kapag may magandang mga nangyayari sa isang bayan, matik na ‘yon, credited talaga sa mga lider, hindi na kailangang ipangalandakan!”

Imahe mula sa Twitter ni Mayor Vico Sotto

“Proud Pasigueño here. Proud of our mayor. He’s not perfect but a good one,” pahayag naman ng isa.

Matatandaang vocal si Mayor Vico sa pagsasabing walang dapat ipagpasalamat o itanaw na utang na loob sa mayor o lider ng bayan ang magagandang mga bagay o inobasyon dahil tungkulin nilang gawin ito, bilang serbisyo-publiko, at batay na rin sa kanilang sinumpaang tungkulin sa mga botanteng nagtiwala at nagluklok sa kanila sa puwesto.