Bea Alonzo sinagot ang ‘loyalty issue’ dahil sa paglisan sa pamamahala ng Star Magic




Public Domain Image
  • Tumatanaw ng utang na loob si Bea Alonzo sa Star Magic at ABS-CBN
  • Marami kasi ang kumukwestyon sa loyalty niya sa network na humubog sa kaniyang talento bilang artista
  • Sa ngayon, wala na siyang kontrata sa home network at bukas siya sa posibilidad na makapagtrabaho sa ibang tv network

Sinagot ng mahusay na aktres na si Bea Alonzo ang isyu ng kawalan umano niya ng loyalty sa Star Magic at ABS-CBN dahil sa pagkalas niya sa pamamahala ng talent arm management ng home network, sa kasagsagan ng kawalan nito ng prangkisa.

Dahil wala na siyang existing contract sa Star Magic at ABS-CBN, bukas na raw sa posibilidad ang aktres na makapagtrabaho sa alinmang television network at movie company. Subalit kung bibigyan naman siya ng proyekto ng Kapamilya Network, malugod daw niya itong tatanggapin.

Public Domain Image

Homegrown talent si Bea ng Star Magic, na nagpasikat at nagpatatag sa kanyang showbiz career sa loob ng 19 na taon, at humubog sa kanya para maging isang A-lister ng local showbiz.

Kaya naman, nakuwestyon ang kaniyang loyalty sa network, kagaya ng mga naunang ABS-CBN artists na sina Piolo Pascual, Julia Barretto, Maja Salvador, at iba pa, na napapanood na sa mga shows ng TV5.

Aniya, tumatanaw sila ng utang na loob sa Kapamilya Network, subalit pinaghirapan din naman daw nila kung anoman ang kasikatan nila ngayon. Hindi raw ito basta nakuha lamang o ibinigay kaagad sa kanila.

“Ang akin kasi, everyone has been loyal to ABS. And, sa totoo lang, ABS was so gracious in giving us jobs, giving us our careers. But, siyempre, we also worked hard to have our careers. We also made sacrifices to get here. It’s not like it was just handed to us, ‘di ba?” saad ng 33 anyos na aktres sa panayam sa kaniya ng Philippine Entertainment Portal o PEP.

Muli, idiin ni Bea ang pagtanaw niya ng utang na loob sa ABS-CBN, na kanyang tahanan sa loob ng halos dalawang dekada. Pero para sa kaniya, unfair na kuwestiyunin ang loyalty niya — pati na ang loyalty ng mga kapwa niya artista — gayong dumaraan din sila sa mga sariling pagsubok at nais lamang nilang maghanapbuhay.

Public Domain Image

Noong Nobyembre 26, 2020, naglabas ng opisyal na pahayag ang Kapamilya network na nagkukumpirmang wala na sa Star Magic si Bea. Ang humahawak ngayon ng career ni Bea ay ang batikang talent manager na si Shirley Kuan.

Saad pa ni Bea, maayos ang kanyang pagpapaalam sa big bosses ng Star Magic at ABS-CBN.

Sa tatlong pelikulang nakalinya kay Bea ngayong taon, isa roon ay nasa ilalim ng Star Cinema. Ito ay reunion movie nila ng dating katambal na si John Lloyd Cruz.

Bago natapos ang 2020, umugong ang balitang gagawa siya ng pelikula katambal si Alden Richards sa ilalim naman ng GMA Pictures, subalit wala pang malinaw na update hinggil dito.

Source :

Facebook, PEP