Wedding proposal sa harapan ng Bulkang Mayon kinakiligan




Imahe mula sa Facebook page na Proud To Be Albayano / JP Harley
  • Kinakiligan ng mga netizens ang isang wedding proposal
  • Sa harap ng sikat na Bulkang Mayon hiningi ng lalaki ang mga kamay ng kaniyang nobya
  • Nakasulat pa sa kanilang mga palad ang “Will you marry me?” at ang naging tugon dito ng babae

Sa pagpasok ng 2021, tila sunod-sunod na ang mga wedding proposal, kakaibang prenuptial shoot na talaga namang pinag-usapan, at maging ang mga seremonya ng pakikipag-isang dibdib. Parang pinatunayan ng taong 2020 ang kasabihang “It’s now or never.”

Kaya naman, kinakiligan ng mga netizens ang wedding proposal ng isang lalaki sa kaniyang kasintahan, sa harap mismo ng majestic view ng Bulkang Mayon sa Albay, sa rehiyon ng Bicol.  May pamagat itong “Sumpaan sa Harap ni Mt. Mayon” para kina “Dayan at Niño.” Makikita ito sa Facebook page na “Proud To Be Albayano.”

Imahe mula sa Facebook page na Proud To Be Albayano / JP Harley

“She said YES! Sumpaan sa Harap ni Mt. Mayon. #SanaAll. Dayan loves Niño,” saad sa caption ng FB post. Makikita sa mga kalakip na larawan ang tradisyonal na pagluhod ng lalaki sa harapan ng babae, pagbukas ng kahita na naglalaman ng engagement ring, at pag-aalay nito sa kasintahan bilang tanda ng paghingi sa mga kamay nito.

Sa iba pang larawan, ipinakita ng lalaki na nakasulat ang tanong na “Will you marry me?” sa kaniyang kanang palad habang nakaharap siya sa camera, at ang nobya naman ay nakayakap sa kaniya. Bilang tugon, makikitang isinulat naman ng babae sa kaniyang kanang palad ang “I said yes!”

Makikita pa sa iba pang mga larawan na sila ay magkahawak-kamay na naglalakad sa kakahuyan at katubigan habang sa kanilang likuran naman ay may sementadong tulay.

Imahe mula sa Facebook page na Proud To Be Albayano / JP Harley

Kinakiligan naman ito ng mga netizens. Narito ang ilan sa kanilang mga reaksyon at komento.

“Sa kAbila ng mga nangyaring kalamidad, sakuna, pandemya, at iba pang mga negatibong pangyayari last year, hindi natinag ang dalawang nagmamahalan. Congrats! I’m from Pangasinan pero may pusong oragon… miss ko na ang pangalawang bahay ko—ang Albay!” saad ng isa.

Turan naman ng isa, “Napakaganda at napakaromantiko sa harapan ng Mayon! May natatanging alamat ang mga taga-Albay hinggil sa pagkakabuo ng bulkang iyan. Congrats and best wishes, my former classmate Niño Nuñez and soon-to-be wife!”

“Alam na ni Girl na magpo-propose, nakasulat na sa palad yung sagot. Congrats pa rin!” pagbati naman ng isa.

Imahe mula sa Facebook page na Proud To Be Albayano / JP Harley

Pagbati sa ating engaged couple na sina Dayan at Niño!