Mommy blogger ibinahagi ang limang sikreto kung paano maging masaya




Imahe mula sa Mommy Diaries PH / Public Domain Image
  • Nagbigay ng limang sikreto ang mommy blogger sa isang Facebook page na para sa mga momshies at feeling momshies
  • Lahat ng ito ay nakaugat sa pagiging kontento o contentment
  • Isa sa mga sikretong binanggit niya ay pagwaksi sa sikat na pahayag ngayon na “Sana all”

Ano nga ba ang sikreto upang maging masaya?

Iyan ang ibinahagi ng mommy blogger sa Facebook page na “Mommy Diaries PH” kung saan inisa-isa niya ang kaniyang limang sikreto o tips upang maging masaya o maligaya, mapa-single ka man o momshie na.

Imahe mula sa Mommy Diaries PH / Public Domain Image

Una raw, palitan ang usong-usong pahayag ngayon na ‘sana all mentality’ o nangangahulugang sana-lahat-ay-kagaya-o-katulad mo. Maging masaya sa mga natatamong pagtatagumpay o magagandang bagay na natatamo ng iyong kapwa, subalit huwag itong kainggitan. Maging masaya rin sa mga bagay na mayroon ka.

“Palitan ang ‘sana all’ mentality ng ‘Masaya ako para sa ‘yo.’ At masaya rin ako sa kung anong mayroon ako, at pipilitin ko na maabot ang SARILI kong mga pangarap,” aniya.

May kaugnayan naman dito ang pangalawa, na huwag ihahambing o ikukumpara ang sarili sa ibang tao.

“Huwag mong ikumpara ang buhay mo sa iba. Iba-iba ang oras natin. Maaaring oras niya ngayon para maabot ang mga minimithi niya. At bukas makalawa, oras mo na rin para magningning.”

Pangatlo, pahalagahan daw ang mga bagay na mayroon ka, at huwag hihinto sa pagsusumikap na mahigitan pa ito sa hinaharap.

“I-appreciate ang mga bagay na mayroon ka. Alagaan ang mga ito. At patuloy na mangarap at magsumikap.”

Pang-apat, iwaksi ang kaisipang lahat ng bagay na makapagpapasaya sa isang tao ay mga materyal na bagay. Hindi raw iyan ang tunay na kaligayahan.

Public Domain Image

“Hindi mga materyal na bagay ang tunay na magpapasaya sa ‘yo. Oo, mapapasaya ka, pero hindi ‘yan yung TUNAY NA SAYA. Yung paggising at pagtulog mo eh alam mong puno at masaya ang puso mo.”

At panlima at panghuli, huwag hintayin ang pagsang-ayon at balidasyon ng ibang tao sa lahat ng bagay na ginagawa mo sa araw-araw. Gawin ang mga bagay na gusto mo basta’t walang natatapakang pagkatao ng iba at walang nasasagkaan ng karapatan.

“Hindi mo kailangan ng approval at validation ng ibang tao para sumaya. Gawin mo kung anong magpapasaya sa ‘yo (basta syempre yung wala kang matatapakan na tao).”

Ikaw, sumasang-ayon ka ba sa mga sikretong ito, o may maidaragdag ka pa? Simple lamang maging masaya, hindi ba?

Source :

Facebook