Minalas ka rin ba sa “paluwagan?”




Public Domain Image
  • Inilahad ng isang netizen ang kaniyang naging karanasan sa pagsali sa paluwagan
  • Matagal nang ginagawa ng marami ang pag-iimpok ng pera sa pamamagitan ng pagsali ng ibang mga kalahok o kasapi rito, at pagsahod o kubra nito sa takdang panahon
  • Nag-iwan din siya ng mga paalala at realisasyon  hinggil sa kaniyang karanasan

Nakasali ka na ba sa “paluwagan?”

Ang paluwagan ay may layuning ‘mapaluwag” ang iyong pangangailangan sa pera sa pamamagitan ng pag-aambag-bag o paghuhulog ng isang partikular na pera sa mga kalahok nito, at “pagsahod” o pagkubra nito sa nakatakdang panahon. Subalit ayon sa isang netizen, imbes na paluwagan ay “pasikipan” ang nangyari dahil tila naging masikip sa kaniyang dibdib ang mga naranasan niya hinggil dito. Ibinahagi niya ito sa Facebook page na “CFO PESO SENSE.”

Public Domain Image

“Sumali ako sa paluwagan ng kumare ko. Maayos ako magbayad. Ganoon din naman yung mga members hanggang sa dumating yung pandemic. Yung nilaan kong sahod para sana sa birthday ng asawa ko, naudlot. Inurong nang inurong yung araw na dapat sahod ko at inutay-utay pa yung pagbibigay sa akin.

“Nagdesisyon kasi yung handler na i-freeze daw yung paluwagan kasi lahat hirap magbayad sa biglaang lockdown. Ako pa ang nagmakaawa na mabigay ang sahod ko kahit paunti-unti. Ang husay ano? Sa araw pa talaga ng sahod ko nagkaproblema.”

Subalit hindi lamang pala iyon ang naging problema niya sa paluwagan. May isa pa raw siyang paluwagan na nasalihan, mas malaki ang halaga kaysa sa naunang paluwagang nagdudulot ng problema sa kaniya. Iyon daw sana ang inaasahan niya at nagtiwala siyang makukubra ang pera. Subalit kagaya sa naunang paluwagan, hindi rin siya nakasahod nang maayos, na naging pangatlo pa.

“Yung mga pinaglaanan ko ng sahod ay naglaho na parang bula. Hndi ko naramdaman yung inipon ko dahil sa kapabayaan ng iba. Hindi ko ito maire-recommend sa mga gustong makaipon. Sumali lang naman ako dahil hindi talaga ko responsable sa paghawak ng pera,” aniya.

Public Domain Image

Kaya naman, nag-iwan siya ng payo sa lahat na huwag nang subukin ang paluwagan lalo na sa panahon ngayon ng pandemya. Mas mainam daw na hawakan na lamang ang sariling ipon upang walang masisi sa bandang huli. Huwag ding papasilaw sa uso ngayong online paluwagan. Kaya naman, may napagtanto siya sa kaniyang karanasan.

“Hindi pala talaga maganda ang ganitong klase ng pag-iipon dahil nakadepende rin sa mga members kung makakasahod ka. Recently lang din ay sunod-sunod ang nababasa kong toxic post sa mga admin na nagtakbo ng pera, members na hindi naghulog at kung ano-ano pa.”

“Nasa disiplina talaga ang pag-iipon. Nasa determinasyon. Kahit maliit pa ‘yan, kung may control ka sarili mo kahit anong paraan, mapa-alkansya, bangko, at kung-ano-ano pa, makakaipon ka.”

Natutuhan din umano niya na huwag kaagad magtitiwala sa mga tao dahil kahit sino ay makakaaway o makakasamaan ng loob kung usaping pera ang pag-uusapan.

Ikaw, naranasan mo na rin ba ang paluwagan?

Source :

Facebook