Kailan dapat ituro ang “sense of responsibility” sa mga anak pagdating sa mga gawaing-bahay?




Public Domain Image
  • Ibinahagi sa isang Facebook page para sa mga ina ang kahalagahan ng pagtuturo sa mga anak ng “sense of responsibility”
  • Unang hakbang dito ay ang pagtuturo sa kanila ng iba’t ibang mga gawaing-bahay o household chores
  • Maraming magagandang ugali o values ang maaaring mapulot dito ng mga anak, hindi lamang ang pagiging masipag

Sinasabing ang mayorya ng pagkatao ng isang anak ay nakukuha niya sa mga taong kasa-kasama niya sa tahanan, o ang kaniyang pamilya. Kaya naman, malaking responsibilidad ng mga magulang o tumatayong guardian na maturuan ng magagandang pag-uugali ang kanilang mga anak, na maaaring magsimula sa pagtuturo sa kanila na tumulong sa mga gawaing-bahay o household chores.

Iyan ang nais ibahagi ng mommy blogger sa Facebook page na “Mommy Diaries PH” para sa lahat ng kaniyang mga tagasubaybay na momshies: na ang lahat ay dapat magsimula habang bata pa ang mga anak at bukas pa sa pagtanggap at pagkatuto.

Imahe mula sa Facebook page na Mommy Diaries PH

Aminado naman ang mommy blogger na sa umpisa ay wala rin naman siyang alam sa mga gawaing-bahay. Kaya nang mag-asawa siya, nanibago siya, at napagtanto niyang mahirap pala kapag “walang alam” sa buhay.

“Lumaki akong walang alam sa gawaing-bahay. Noong nag-asawa ako, nanibago ako (lalo na noong nagka-anak na ako). Ang hirap pala ng wala kang alam sa buhay,” paniwala ng kaniyang post.

“Hayun, habang tumagal eh natuto po ako. Kaya sabi ko, kailangang mapalaki ko ang anak ko na marunong sa mga gawaing-bahay. Nagsimula siyang tumulong sa akin sa gawaing-bahay noong mga 1 year and a half yata siya.
Talagang tumatagal po ang gawain kapag sila ay “tumutulong” hehe. Pero ayos lang ‘yun, basta matuto sila,” kuwento niya.

Marami raw ang maaaring maituro sa anak kung ibinatad na ito sa mga gawaing-bahay. Matututuhan nila ang pagkakaroon ng sense of responsibility, at makikita ang halaga ng bawat trabaho. Matututo rin sila kung paano pamahalaan ang oras o time management. Hindi rin nila kailangang umasa sa iba para sa mga bagay na ikabubuhay nila. Higit sa lahat, lalaki silang may alam.

Public Domain Image

Sa huli, ibinahagi niya ang larawan ng kaniyang cute na anak, na makikitang tumutulong sa paghuhugas ng mga pinagkainan.

“Kahit na wala kami sa bahay ay gumagawa siya ng gawaing-bahay dahil nasanay na po siya,” sabi niya.

Umani naman ito ng iba’t ibang komento mula sa mga netizens, na karamihan ay sumasang-ayon sa kaniyang mga sinabi.

“Kami naman habang lumalaki, tinuturuan ng nanay sa gawaing-bahay, para daw may alam kami kapag nag-asawa. Dati nakakainis pa kapag utos nang utos. Pero nang nag-asawa na ako, thankful ako sa mga itinuro ng nanay ko. Totoo ngang kakailanganin sa pag-aasawa ang marunong sa gawaing bahay,” kuwento ng isa.

Salaysay naman ng isa, “Super relate. I grew up with my lola kaya hayun, walang alam sa gawaing-bahay Kaya noong nagsama na kami ni partner, nanibago rin ako ang hirap na walang alam lalo sa paglalaba. Unang laba ko pa noon, amoy-kulob lahat ng damit namin, ending nagpa-laundry hanggang sa inaral ko maglaba. Kaya eldest ko, habang maaga, tinuturuan ko na.”

Public Domain Image

Kaya naman sa mga momshies, turuan na kaagad ang mga anak habang maaga upang hindi magsisi sa bandang huli. Para naman sa mga anakshies, magpaturo at maging bukas ang pagtanggap dahil para din sa inyong kapakinabangan ito, kapag kayo ay may sarili na ring pamilya.