‘Isang taon na pero ‘di pa rin kita matagpuan’: Lalaki ‘hinahanap’ pa rin ang pasaherong napahilig sa kaniyang balikat




Imahe mula sa Facebook account ni Arvee Rivera Estacio / Public Domain Image
  • Naaliw ang mga netizens sa isang Facebook post ng isang pasaherong lalaki na muling nag-viral
  • Mula sa kanyang “See your memories” sa FB ay ibinahagi niya kasi ang kuhang larawan na may babaeng kapwa-pasahero na napasandal sa kaniyang balikat; himbing na himbing sa pagkakatulog
  • Sa caption ay sinabi niyang “Isang taon na pero di pa rin kita matagpuan”

Tunay ngang masaya at nakaaaliw ang pagsakay sa mga pampublikong sasakyan kagaya ng jeepney dahil magagawa mong mapagmasdan ang iba’t ibang kilos o galaw ng tao, lalo na noong wala pang pandemya.

Isa sa mga karaniwang eksenang makikita sa loob nito, ay ang ‘di-sinasadyang paghilig o pagsandal ng isang inaantok na pasahero, sa balikat ng kaniyang katabi. Minsan ay nakaiirita, subalit may ilan namang ipinagpapasalamat pa ito. Gaya na lamang ng isang netizen na nagngangalang “Arvee Rivera Estacio” na nagpasalamat pa sa isang babaeng napasandal sa kaniyang balikat, sa pamamagitan ng kaniyang Facebook post.

Imahe mula sa Facebook account ni Arvee Rivera Estacio / Public Domain Image

“Ate kung sino ka man, salamat at naiparamdam mo sa akin na kahit sandali lang nagka-jowa ako. Sarap ng tulog mo eh, ayaw ko na yatang pumara,” nakatutuwang caption niya sa post na nag-viral noong 2020 at muling humahakot ngayon ng likes at reactions.

Isang taon na raw ang nakalilipas subalit hindi pa rin niya ito natatagpuan. Himig pagbibiro man ito, patuloy pa rin itong kinaaaliwan at kinakikiligan at umabot na sa mahigit 71k shares.

See Your Memories

Mula sa kanyang “See your memories” sa FB ay ibinahagi niya sa panibagong post na “isang taon na pero di parin kita matagpuan”.

Imahe mula sa Facebook account ni Arvee Rivera Estacio

Kinaaliwan naman ito ng mga netizens at umani ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens. May ilan pang nagsalaysay ng kanilang mga katulad na karanasan. Baka relate ka rin?

“Hahaha, nakakatuwang eksena iyan. Alam ninyo ba, diyan kami nagkakilala ng jowa ko. Napasandal siya sa balikat ko, tapos noong bababa na ako, nagkataon na doon din siya bababa. Nagkakuwentuhan kami, pasensiya na raw kasi talagang antok na antok siya, call center agent kasi. Kinuha ng mokong ang number ko. Tapos iyon, doon na nagsimula hahaha,” kuwento ng isa.

Salaysay naman ng isa, “Kakakilig! Ganiyan din ang naranasan ko. Iba nga lang sa akin, kasi nasukahan pa ako, parang tipsy o lasing yata. Buti na lang guwapo siya kundi sapok siya sa akin! Naalala ko lang…”

“Minsan may mga ganyan talagang pasahero, yung hindi kayang mapigilan ang sarili sa sobrang antok, kaya napapasandal na lang na hindi nila namamalayan,” wika naman ng isa.

Public Domain Image

Ano nga ba ang maaaring gawin kung may kapwa-pasaherong mapasandal sa iyong balikat? May dalawang paraan: una, hayaan mo lamang siyang matulog. Kusa rin iyang magigising, at mararamdaman din niya ang pagdantay sa ibang balikat. Pangalawa, magalang na paalisin ito at sabihang baka lumagpas siya kung aakalain niyang nasa loob na siya ng kuwarto niya at nakahiga sa malambot na kama o kutson.

Ikaw, naranasan mo na rin ba ang ganito?