“Chika, BESH!” ng TV5 ligwak na sa ere; saan na mapapanood ang mga hosts?




Public Domain Image
  • Hindi na na-renew ang kontrata ng morning talk show na “Chika, BESH! (Basta Everyday Super Happy)”
  • Ang mga hosts nito ay sina Pauleen Luna. Ria Atayde, at Pokwang
  • May proyekto pa rin naman ang mga hosts nito sa iba’t ibang TV network

Nagwakas na ang kabago-bagong morning show ng TV5 na “Chika, BESH! (Basta Everyday Super Happy),” na pinangungunahan nina Pauleen Luna. Ria Atayde, at Pokwang, na huling episode na noong Enero 8, 2021.

Ang tanong: Saang mga programa na mapapanood ang mga hosts?

Public Domain Image

Walang problema sapagkat may isa pang show si Pokwang sa TV5: ito ay ang “Fill in the Banks” kasama si Jose Manalo. Si Pauleen Luna naman ay nananatiling host sa “Eat Bulaga” ng TAPE, Inc. kasama ang kaniyang mister na si Vic Sotto. Ang morning talks show naman na iyon ay produced ng Archangel Media na sister company ng APT Entertainment at may-ari ng TAPE, Inc. na si Tony Tuviera.

Samantala, ayon naman sa premyadong aktres at ina ni Ria na si Sylvia Sanchez, balik-Kapamilya Network na si Ria. May mga nakalinya na umanong proyekto para sa kaniya ang Kapamilya Network, dahil nasa ilalim pa rin naman ng pamamahala ng Star Magic, ang talent-arm management ng ABS-CBN, si Ria.

Naka-lock-in taping na raw si Ria para sa isang episode ng “Maalaala Mo Kaya” o MMK. Siya naman ay nakahanda na rin para sa teleseryeng “Huwag Kang Mangamba” na pagbibidahan ng Gold Squad members na sina Andrea Brillantes, Seth Fedelin, Francine Diaz at Kyle Echarri.

Public Domain Image

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Sayang naman. Sinusubaybayan ko pa naman iyan. Magaganda naman ang topics nila, pero may something off sa mga hosts. Hindi sila nagbe-blend sa isa’t isa,” komento ng isa.

Turan naman ng isa, “Napansin ko lang, ang loyalty ng televiewers ay nasa TV network, hindi sa mga artista. Kapag lumipat na ang mga artista, hindi na sinusundan.”

Kasisimula pa lamang ng morning show noong Agosto 17, 2020. Nasa timeslot na nito ngayon ang cartoon show na Ben 10 at Courage The Cowardly Dog.