Mag-asawang nasiraan ng motorsiklo sa daan tinulungan ng lalaking napagkamalang kawatan




Imahe mula sa Facebook account ni Judie Ann Aquino / Public Domain Image
  • Tinulungan ng isang lalaki ang mag-asawang nasiraan ng motorsiklo sa Shaw Boulevard, Mandaluyong City
  • Inakala nila noong una na ito ay kawatan o masamang-loob dahil aali-aligid at pasulyap-sulyap sa kanila
  • Hindi na ito nakatiis at nagpakilala sa kanila; nag-alok ito ng tulong na ayusin ang kanilang sasakyan 

Napatunayan ng isang mag-asawa na hindi dapat gawing batayan ang panlabas na kaanyuan upang kapwa ay husgahan, matapos silang tulungan ng isang lalaking inakala pa nilang kawatan, upang maayos ang kanilang motorsiklo na nasiraan sa daan.

“Maaaring hinadya ng pagkakataon at pinagtagpo tayo, kailangan namin ng tulong at kailangan mo rin ng tulong upang maibsan at makatawid sa gutom,” ayon sa Facebook post ng misis na si Judie Anne Aquino.

Imahe mula sa Facebook account ni Judie Ann Aquino / Public Domain Image

Salaysay ng mag-asawa mula pa sa lalawigan ng Cavite, nakaangkas sila sa kanilang motorsiklo upang mag-deliver ng kanilang produkto, nang masiraan ito sa kahabaan ng Shaw Boulevard sa Mandaluyong City. Nang tumabi sila upang ayusin ito, isang estrangherong lalaki ang umaligid sa kanila.

“Umaaligid-aligid sa amin… pasindi-sindi ng sigarilyo… palakad-lakad. By that time, binubuksan na ng asawa ko yung harapan ng motor at bakas na ang nerbiyos.”

Maya-maya, hindi na nakatiis pa ang lalaki. Lumapit ito sa kanila at nagpakilala sa pangalang Ferdinand Pulido. Nagmagandang-loob itong tulungan sila sa pagkukumpuni. Nagtatrabaho raw ito sa isang auto shop sa lalawigan ng Leyte at nagbaka-sakali sa Maynila. Sa kasamaang-palad, inabutan ito ng lockdown dahil sa pandemya.

“Hindi makauwi at mamasukan sanang construction pero hindi makahanap ng trabaho kasi maraming test daw na hinahanap at kailangan. May 3 anak at puro babae na nasa probinsya,” salaysay ni Judie.

May napansin daw sila kay Kuya Ferdinand habang inaayos nito ang kanilang motorsiklo.

“Kita ko rin sa kamay ni Kuya yung nginig. Siguro dahil na rin sa gutom tapos natanong siya ng asawa ko paano siya nakakakain, sabi nya nanghihingi lang din daw sa mga tao,” aniya.

Public Domain Image

Kaya naman, nanawagan sa mga auto shop owners ang mag-asawa na tulungang magkaroon ng trabaho si Kuya Ferdinand.

“Kaya ng sabi ko sayo, hati na lang tayo sa kita namin dahil may apat na rin kaming anak at nagsusumikap din na sumadline para sa kanila. Kaya ramdam namin yung kagustuhan mo na makahanap ng trabaho at kumita para sa pamilya,” ani Judie.

Bumaha naman ito ng simpatya at papuri mula sa mga netizens.

“Talagang ang Diyos ay pag-asa natin sa bawat hamon ng buhay, parang sinadya ni God na sa tapat ng taong ito kayo masiraan,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Praying na sana may taong tumulong sa ‘yo para makapagtrabaho ka na.”

Minsan pa, napatunayang “Looks can be deceiving.” Hangad nating magkaraoon ng permanenteng trabaho si Kuya Ferdinand Pulido!