Billy Crawford at Direk Bobet Vidanes naispatang magkasamang kumakain ng fish balls sa TV5




Imahe mula sa Facebook page na Kapamilya Entertainment / Public Domain Image
  • Pinag-usapan ng mga netizens ang mga larawang makikitang magkasama sina Billy Crawford at Direk Bobet Vidanes
  • Kumakain sila ng fish balls sa tapat ng gusali ng TV5
  • Kamakailan lamang ay napabalita ang pagbibitiw ni Direk Bobet sa “It’s Showtime” at paglipat sa Brightlight Productions upang maging consultant ng “Lunch Out Loud”

Naispatan ang TV host na si Billy Crawford at ang dating direktor ng “It’s Showtime” na si Direk Bobet Vidanes na magkasamang kumakain ng fish balls sa tapat ng TV5. Kasama rin nila sa larawan ang komedyante at vlogger na si Jeffrey Tam na kilala sa kaniyang mga magic, at isa rin sa mga side stage hosts ng Lunch Out Lol o LOL.

Matatandaang nagbitiw sa kaniyang tungkulin bilang direktor ng nabanggit na noontime show si Direk Bobet nitong Nobyembre 2020, dahil sa ilan umanong personal na dahilan, batay na rin sa rebelasyon ng journalist na si Cristy Fermin.

Imahe mula sa Facebook page na Kapamilya Entertainment

Maugong ang balitang lumipat na rin ito ng Brighlight Productions at magiging consultant ng “Lunch Out Loud,” ang katapat na noontime show ng “It’s Showtime” sa TV5. Si Billy Crawford, na siyang main host nito, ay nagmula muna sa “It’s Showtime.” Si K Brosas naman ay dating hurado ng Tawag ng Tanghalan.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens. Hati ang naging opinyon ng mga certified “showbiz insiders” hinggil dito.

“Malaya tayong lahat kung an man ang magiging desisyon natin sa buhay. Hayaan na ang utang na loob na iyan! May pamilya silang kailangang pakainin,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Nasaan ang loyalty? Bakit po ninyo iniwan ang network na tumupad sa mga pangarap ninyo, sa panahong lugmok ito at unti-unting bumabangon?”

“Of course they have a family to feed. Sometimes you have to be practical for the sake of yourself and your family. Nasasabi ninyo lang ‘yan dahil wala kayo sa position niya. Real talk lang din, kahit naman kayo sa work ninyo kung may magandang offer di ba ninyo tatanggapin lalo kung alam mo na ang kompanya ninyo eh ‘di na maganda ang takbo?” wika ng isa.

Imahe mula sa Instagram account ni Alex Gonzaga

Samantala, makikita rin sa IG story ng isa sa mga hosts nitong si Alex Gonzaga na nasa set na nga ng Lunch Out Loud si Direk Bobet.

Nagsimula bilang audio man at camera man si Direk Bobet sa ABS-CBN bago niya mapakasalan ang isa sa mga top executives ng network na si Cory Vidanes. Biniyayaan sila ng tatlong anak, hanggang sa magkaroon sila ng problema at maghiwalay.

Simula noon ay nagsimula nang magdirehe ng mga tv shows si Direk Bobet. Labing-isang taon ding naging direktor si Direk Bobet ng naturang noontime show kaya masakit para sa mga hosts at production staff ang kaniyang pagbibitiw.