Alden at Bea magsasama sa pelikula?




Public Domain Image
  • Gagawa umano ng pelikula sina Alden Richards at Bea Alonzo
  • GMA Pictures at Viva Films umano ang magpo-produce nito
  • Ang unang pagsasama sa isang proyekto ng dalawa ay sa TV commercial ng isang shampoo

Matunog ang usap-usapang magsasama sa isang proyekto ang Kapuso actor na si Alden Richards ang dating Star Magic artist pero nananatiling Kapamilya actress na si Bea Alonzo, na ipo-produce umano ng magkasanib na puwersa ng GMA Pictures at Viva Films.

Inamin mismo ni Alden na nagkakaroon ng mga pag-uusap sa pagitan ng “management to management” nila ni Bea, subalit hindi pa malinaw ang lahat. Matagal nang sinasabi ni Alden na gusto niyang makatrabaho ang mahusay na aktres na naging markado ang mga karakter sa mga markado ring pelikula ng Star Cinema kagaya ng “One More Chance,” “A Second Chance, ” “The Mistress,” at marami pang iba.

Public Domain Image

Maging si Bea ay bukas sa ideyang makatrabaho si Alden, na inamin naman niya sa kaniyang vlog. Nauna nang nagkasama sa isang commercial ng shampoo ang dalawa.

Kung matutuloy ang proyekto, ito ang pangalawang beses na makakatrabaho ni Alden ang isang leading lady na nagmula sa karibal na TV network. Matatandaang naging napakamatagumpay ng pelikulang “Hello, Love, Goodbye” katambal si Kathryn Bernardo noong 2019. Sa kasalukuyan, ito ang “highest-grossing Filipino movie of all time,” bago pa man pumutok ang problema ng buong mundo sa pandemya ng COVID-19.

“I really appreciated that na si Bea, regardless of how many blockbuster films she has done, how many awards she’s got, how successful she is now, ano pa rin siya, human pa rin siya,” saad ni Alden nang matanong siya kung gaano siya kasabik na matuloy ang naturang proyekto katambal si Bea.

Matatandaang nitong Nobyembre 26 ay lumabas ang balitang kumalas na si Bea Alonzo sa Star Magic, ang talent-management arm ng ABS-CBN; bagay na pinagtibay naman ng network sa pamamagitan ng opisyal na pahayag. Bagama’t wala na sa Star Magic at pamamahalaan na ng batikang manager na si  Shirley Kuan, mananatili pa rin daw na isang Kapamilya si Bea.

Public Domain Image

Bukod sa Alden-Bea movie, matunog din ang reunion na proyekto nina John Lloyd-Bea na hindi pa malaman kung pantelebisyon ba o pelikula, at kung saang network lalabas.