“Way back Wednesday:” Angel Locsin ipinakita ang “Salazar sisters” noon at ngayon




Imahe mula sa Twitter account ng Star Cinema / opisyal na Facebook page ni Angel Locsin
  • Tampok ni Angel Locsin ang “way back Wednesday” ng mga larawan ng Salazar sisters
  • Ipalalabas na kasi ang prequel ng Four Sisters and a Wedding sa Disyembre
  • May pamagat itong “”Four Sisters before the Wedding”

Napa-“Way back Wednesday” si Angel Locsin sa kaniyang pelikulang “Four Sisters and a Wedding” kasama sina Toni Gonzaga, Shaina Magdayao, at Bea Alonzo bilang “Salazar sisters” na unang ipinalabas at sumikat noong 2013 sa ilalim ng Star Cinema, at nasa direksyon ni Mae Cruz-Alviar.

Makikita sa kaniyang official Facebook page na “Angel Locsin” ang dalawang larawang nagpapakita ng Salazar sisters noon at ngayon, dahil ipalalabas ng Star Cinema ang prequel ng pelikula nito na may pamagat na “Four Sisters before the Wedding,” kung saan itatampok ang Salazar sisters noong kanilang teenage years.

Imahe mula sa opisyal na Facebook page ni Angelo Locsin / Public Domain Image

“Way back Wednesday. Anong eksena ang inaabangan mo sa pagbabalik ng mga Salazar?” saad sa caption.

Samantala, makikita naman sa opisyal na Twitter account ng Star Cinema ang poster ng naturang “anticipated prequel” na malapit nang mapanood via online streaming sa Disyembre, bago matapos ang 2021. Ang setting o tagpuan ng panahon ng mga pangyayari sa pelikula ay 10 taon bago ang mga naganap sa orihinal na pelikula noong 2013, na idinerehe ni Cathy Garcia-Molina.

Buo ang suporta ng mga dating bida sa apat na artistang gaganap sa kanilang teenager versions. Si Gillian Vicencio ang gaganap bilang adventurous na si Alex (papel ni Angel Locsin), si Charlie Dizon naman si Teddie na siyang witty at bubbly na panganay sa magkakapatid (karakter ni Toni Gonzaga), si Belle Mariano naman ang “old maid” at konserbatibong si Gabbie (role ni Shaina Magdayao),at si Alexa Ilacad naman ang palaban at matalinong si Bobbie (dating si Bea Alonzo).

Imahe mula sa Twitter account ng Star Cinema / Public Domain Image

Nananabik na nga ang mga tagahanga na mapanood ang naturang prequel.

“Syempre, tumatak sa akin yung confrontation scene ng pamilya Salazar. Iba pa rin talaga, lalo na yung mga linyahan ni Bobbie na Parang kasalanan ko?” saad ng isa.

Turan naman ng isa, “Yes, excited much. Usually kasi sequel ang nangyayari hindi ba, pero ngayon, prequel naman. Refreshing sa audience! Dito na malalaman kung paano nahulma ang pagkatao ng mga Salazar sisters. Sana makompirma rito yung mga sinabi ni Bobbie sa Mama nila kung bakit na-feel niya na walang may paborito sa kaniya noong mga bata pa sila.”

Sa halagang 150 pesos, mapapanood ito sa mga makabagong paraan ng sine o online movie streaming, sa pamamagitan ng KTX.ph, Iwant TFC, IPTV, Cignal PPV at Sky Cable PPV distributed by Cinexpress.