“Tapat” na shout out ng mag-aaral sa module sheet ng asignaturang Music kinalugdan




Imahe mula sa Facebook account ni Prof. Joselito Delos Reyes / Public Domain Image
  • Kinalugdan ng mga netizens ang katapatan ng isang Grade 4 pupil
  • Isinulat niya kasi sa module sheet na hindi niya alam ang isasagot sa tanong
  • Ito ay sa asignaturang Music

Sabi nga, walang masamang maging matapat sa lahat ng pagkakataon, kahit na ito ay pagsagot pa sa mga tanong na nasa module sheet ng isang asignatura.

Ibinahagi ng isang propesor at kolumnista na si Prof. Joselito Delos Reyes sa kaniyang Facebook post ang kasiyahan sa anak na si Izz, Grade 4 student, na naging matapat sa pagsasabing hindi niya kayang sagutin ang gawain at mga tanong sa module sheet ng asignaturang Music. Isinulat nito sa module sheet bilang mensahe sa guro na Sorry po hindi ko po maintindihan yung lesson kahit po basahin ko. 

Imahe mula sa Facebook account ni Prof. Joselito Delos Reyes

“Kanina sa pag-submit ko ng module sa school, napansin ko ito. Dahil, totoo naman, may hanggahan ang uubrang matutuhan sa pagbabasa,” ayon kay Prof Delos Reyes. Ang kaniyang anak ay nag-aaral sa pampublikong paaralan sa Lucban.

“Salamat, Anak, mas pinili mong maging matapat,” papuri ng ama sa kaniyang anak. Iba pa rin daw ang pagtuturong may pasalita mula sa guro, na nagagawa noon sa mga silid-aralan, sa panahong wala pang pandemya.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Nakakalito po ang panuto para sa bata. Dapat ‘beat’ na lang po ang ginamit sa halip na ‘pulso.’ Very admirable po ang honesty ng inyong anak,” ayon sa isa.

Pahayag naman ng isa, “Mahirap talaga maintindihan ang musical concepts kung magbabasa ka lang ng ilang pahina sa module tapos sagot agad sa worksheet. Music is an auditory experience which cannot be learned by just reading text. Mabuti siguro kung may kasamang multimedia yung module, i.e. may mp3 files to demonstrate accented and unaccented beats, etc.”

Public Domain Image

“Hindi lahat, bata man o matanda, ang may ganitong tapang at pagpapakumbaba, sa pag-amin ng pagkukulang, o paglahad ng limitasyon, o minsan ay pagkakamali. Ito sana ang natutuhan nating ugali habang paslit pa lang. Para naman hindi tayong lumaki na payabangan, mapagmalaki, at dunung-dunungan,” wika naman ng isa.

Dagdag pa, “Ganitong klase ng pagpapakatao sana. Nakakakurot ng puso. Parang nangangalabit ang paghingi ng paumanhin, na mas tao na ang bata kaysa sa atin.”

Nakakatuwa, hindi ba?