Mga kawayan sa Rizal nagmistulang Christmas tree na may parol matapos ang baha




Imahe mula sa Facebook post ni Noy Morcoso
  • May instant ‘Christmas tree with lanterns’ ang mga residente sa isang barangay sa San Mateo, Rizal
  • Sumabit kasi sa mga puno ng kawayan ang mga basurang tinangay ng lagpas-taong baha matapos ang paghambalos ni Ulysses nitong Nobyembre
  • Ito raw ay magsisilbing paalala sa mga residente na ang anomang basurang itinapon ay magbabalik din

Nag-iwan ng “positibong bakas” ang matinding pagbahang naranasan sa San Mateo, Rizal noong kasagsagan ng pananalasa ni Ulysses nitong Nobyembre.

Makikita sa Facebook post ni “Noy Morcoso” ang mga larawan ng punong kawayan na nagmistulang Christmas tree na nasasabitan ng mga parol. Ang mga parol ay mga basurang tinangay dahil sa matinding pagbaha, na mahihinuhang lagpas-tao.

Imahe mula sa Facebook post ni Noy Morcoso

“Nagmistulang Christmas tree with lanterns ang mga kawayan sa San Mateo, Rizal matapos masabitan ng basurang plastic dahil sa mataas na bahang dulot ng nagdaang bagyong Ulysses,” ayon sa kaniyang caption.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens. Bagama’t tinitingnan na lamang ito bilang “positive vibes” dahil malapit na ang Pasko, isa naman itong malaking “sampal ng realidad” at paalala para sa lahat —  na pangalagaan ang kalikasan.

“Kailan kaya talaga matututo ang mga tao ng proper waste management?” tanong ng isa.

Turan naman ng isa, “Kung ano ang itinapon, siya ring babalik sa iyo sa takdang panahon. And it showed up. Nadamay pa tuloy ang mga nananahimik na kawayan, na ang tanging ginagawa lamang ay yumuyuko, simbolo ng kababaang-loob.”

“At least, hindi na kailangan ng mga palamuti, may instant Christmas decors na. Pero parang ironic at euphemism ito to show na walang disiplina ang mga tao sa pagtatapon ng kanilang mga basura. Ang kalat na itinapon mo, babalik din sa iyo,” wika naman ng isa.

Imahe mula sa Facebook post ni Noy Morcoso

Pahayag naman ng isa, “Huwag po sanang maging proud. Now lesson learned, magtapon ng basura sa tamang tapunan. Kung ano raw ang itinapon natin, babalik at babalik din sa atin. Napaka-loyal naman ng mga basura.”

Bagama’t may instant Christmas tree na nga sila, isa itong paalala para sa mga residente na mas tutukan pa ang tamang pagtatapon ng basura sa mga wastong lalagyanan. Patunay lamang ito na ang anumang basurang itapon mo ay babalik din sa iyo.