“Matututuhan” sa face to face classes, sinariwa ng isang netizen




Imahe mula sa Facebook account ni Har Vey / Public Domain Image
  • Nagpangiti sa labi ng mga netizens ang isang larawan
  • Makikita sa larawan ang isang mag-aaral na palihim na kumakain sa klase
  • Ang mga ganitong eksena raw ang nakaka-miss sa face to face classes

Lubos na naapektuhan ng COVID-19 pandemic ang lahat ng sektor o larangan dahil nagawa nitong baguhin ang mga dating kalakaran sa isang lipunan, kaya tinatawag ang mga nangyayari ngayon bilang “Bagong Normal.” Kasama na riyan ang pagsasagawa ng distance/blended learning, na patuloy na inaalmahan ng mga mag-aaral, magulang, at ilang mga gurong nahihirapan sa panibagong mode of learning at teaching ngayon.

Iba pa rin daw ang pagtuturo at pagkatuto sa face to face classes o pagpasok ng mga guro at mag-aaral sa paaralan. Iyan ang inalala ng netizen na may pangalang “Har Vey” kung saan makikita sa kaniyang Facebook post ang pag-alala niya sa physical classes; ang nakatutuwa kasi at nakapukaw ng atensyon sa mga netizens, ay ang larawan ng isang mag-aaral na palihim na kumakain habang nagkaklase ang guro.

Imahe mula sa Facebook account ni Har Vey

“Maganda talaga ang face to face na classes kasi marami kang matututuhan Siya noong face to face pa,” saad sa caption, na pumapatungkol sa mga taong kagaya nang makikita sa larawan, na panay “kalokohan” noon sa kanilang klase.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Hahaha, kami naman nagmo-movie marathon kami sa cellphone habang nagtuturo yung Sir namin, sa nakakaantok na subject. Nakakamiss din pala. Sorry po sa mga kalokohan namin,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Naku, ganiyang-ganiyan kami noong araw. Pagpapasa-pasahan namin yung sitsirya kasi gutom na gutom na kami. One time nahuli kami ng titser. Akala namin pagagalitan kami, pero humingi pa siya. Naiintindihan daw niya kung nagugutom na kami, maging discreet lang daw.”

“Bakit ka pa kakain sa likod kung puwede ka naman mag-CR tapos diretso canteen?” saad naman ng isa.

Public Domain Image

Ayon sa DepEd, imposible pa ang pagbabalik sa physical classes ng mga mag-aaral hanggang mataas pa ang kaso ng COVID-19 sa bansa; kailangang pangalagaan ang kalusugan ng mga guro at mag-aaral.

Source :

Facebook