Darna ni Jane De Leon posibleng ipalabas muna bilang teleserye sa 2021




Public Domain Image
  • Magkaroon umano ng kaunting pagbabago sa planong pagsasapelikula ng Darna
  • Magiging teleserye umano ang Darna na pagbibidahan pa rin ni Jane De Leon 
  • Saka na ito gagawing pelikula

Kinumpirma umano ng ABS-CBN sa Philippine Entertainment Portal o PEP na si Jane De Leon pa rin ang gaganap sa iconic role na “Darna” at pipirma ito ng exclusive network contract sa Disyembre, na siyang kauna-unahang artistang mabibigyan ng eksklusibong kontrata matapos ang franchise denial ng Kapamilya Network sa kalagitnaan ng pandemya.

Ngunit nagkaroon ng kaunting pagbabago sa plano. Gagawin daw muna itong teleserye sa 2021 saka na lamang ang pelikula, kapag tapos na ang serye. Kumbaga, magiging “testing water” muna kung papatok o kakagatin ito ng publiko. Hindi nga lamang sigurado kung si Jerrold Tarog pa rin ang magiging direktor ng parehong teleserye at pelikula.

Public Domain Image

Noong Agosto 17, 2020, inihayag ng ABS-CBN at Star Cinema na pansamantala muna nilang kinakansela ang shooting ng pelikulang Darna dahil masyado umanong demanding ang mga stunts at action scenes dito, na hindi maisakatuparan nang lubusan dahil sa mga health protocols at restrictions na kailangang sundin.

Bagama’t ganito ang nangyari, mananatili umano ang rights ng pagsasapelikula ng Darna sa ABS-CBN at Star Cinema, at hindi umano totoo ang alegasyong mapupunta na ito sa Tv 5 o sa GMA Network.

Subalit kung tutuusin, nauna na ang Kapuso Network sa paggawa ng teleseryeng Darna, na pinagbidahan nina Angel Locsin noong 2005 at Marian Rivera noong 2009. Noong 1977 naman, umere ang kauna-unahang serye nito sa RPN-9 na dating KBS 9 na pinagbidahan naman ni Lorna Tolentino.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Good idea, kasi baka malugi lang kung film agad, especially pandemic,” saad ng isa.

Turan naman ng isa, “Ituloy at iraos na iyan… for sure marami na ang nakaabang sa next Darna. Ilang beses nang naudlot eh.”

Public Domain Image

Kung matutuloy naman ang pagsasapelikula ng Darna, ang magiging labas nito ay kagaya ng “The House Arrest of Us” at “La Vida Lena” na mapapanood sa pay-per-view options ng ABS-CBN platforms, kagaya ng iWantTFC.

Source :

Facebook, PEP