Alaalang pampangiti: Nakapaglaro ka rin ba noon sa bunton ng mga dayami?




Public Domain Image
  • Binalikan ng mga netizens ang isa sa mga alaala ng pagkabata
  • Ito ay paglalaro sa bunton ng dayami
  • Ang dayami ay mga pinatuyong damo at talahib

Marami sa mga alaala ng pagkabata ang masarap balik-balikan, lalo na sa panahon ngayon ng community quarantine, na marami na sa mga bagay na ating nakasanayan ang unti-unti nang nabago ang kalakaran. Isa na riyan ang paglalaro sa labas ng mga bata.

Kaya naman, inalala sa Facebook page na “Batang Pinoy-Ngayon at Noon” ang isa sa mga paboritong ginagawa ng mga bata noon, lalo na ang mga laki sa bukid; ito ay ang paglalaro sa mga bunton ng dayami. Ang dayami ay mga pinatuyong damo o talahib. Maaari itong ipakain sa mga hayop gaya ng baka, kalabaw, o kabayo.

Imahe mula sa Facebook page na Batang Pinoy-Noon at Ngayon

“Mas masaya talaga maglaro sa dayami kaysa gadgets,” ayon sa caption.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens. Ang ilan sa kanila, nagbahagi pa ng kanilang mga karanasan at kuwento.

“Pag-uwi ko ng probinsiya binabalik-balikan ko pa rin… sarap maging bata… ngayon kasi, mas pipiliin na lamang ng mga batang maglaro gamit ang gadgets nila,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Naman. Kung puwede nga lang bumalik sa ganoong panahon kahit isang araw lang. Nanamnamin lang ulit ang kasaganahan ng simoy ng hangin sa bukirin. Walang pinoproblema basta makapaglaro. Walang mga gadgets kami noong panahon na iyon. Wala nga rin kami kahit kuryente noong araw. Gasera lang gamit namin noon tapos transistor na radyo. Napakasaya na naming kabataan noon.”

“Hindi ko makakalimutan ang mga panahon ng kabataan namin, yung ‘pag may makitang makapal na umpok ng dayami, paunahan at pagalingan agad sa pag-tambling. Syempre dapat pinakamahirap yung gawin mo para walang makagaya at magulat lahat sa ‘yo…” saad naman ng isa.

Public Domain Image

Wika naman ng isa, “Kami noon, naglaro kami sa dayami, may palo sa puwet sa amin sina Nanay at Tatay, baka kasi matuklaw kami ng ahas at mangamoy-kalabaw pa.”

Ikaw, nasubukan mo rin bang maglaro sa bunton ng dayami?

Source :

Facebook