Tuta sa Italya isinilang na “kulay-matcha”, simbolo ng saya at pag-asa




Public Domain Image
  • Isang green-furred puppy ang isinilang sa Italya
  • Pagmamay-ari siya ng isang magsasaka at pinangalanang “Pistachio”
  • Para sa kaniya, si Pistachio ay simbolo ng saya at pag-asa

Ikinamangha ng isang magsasaka sa Sardinia, Italy ang kulay ng isa sa mga tutang iniluwal ng kaniyang puting mixed-breed na aso, dahil ito lamang ang nag-iisang “kulay-macha” o kulay berde sa mga kapatid nitong kulay-puti naman.

Hindi makapaniwala si Cristian Mallocci na ang kaniyang alagang asong si Spelacchia, ay magkakaroon ng isang green-furred puppy, dahil kulay-puti naman ang mga balahibo nito; gayundin ang iba pa nitong mga pups. Si Mallocci ay nagpapatakbo ng isang bukirin katuwang ang kaniyang brother-in-law  na si Giannangelo Liperi.

Public Domain Image

Bihirang pagkakataon na magkaroon ng isang asong may kulay-berdeng balahibo. Kadalasan kasi, ito ay puti, dark brown, o itim.

“It is thought that it happens when pale coloured puppies have contact in their mother’s womb with a green pigment called biliverdin. It is the same pigment that causes the green colour in bruises,” ayon sa ulat ng Reuters.

Dahil dito, pinangalanan ang tuta na ‘Pistachio.” Ayon sa mga dalubhasa, hindi naman daw permanente o magtatagal ang kulay nitong berde sa mga balahibo; unti-unti raw itong mawawala hanggang sa ito ay tumanda na.

Umani naman ito ng mga reaksyon mula sa mga netizens.

“Maybe it’s the guy’s first time to see one? Sa mga nag-aalaga ng aso eversince, this really happens sa birth ng litter. After a bath or when they get cleaned, mawawala na yung green color,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Kakaiba nga siya. Sabagay mayroon nga mga aso tatlo pa ang kulay kaya hindi siguro imposible ‘yan basta lang mukha niya aso rin.”

Public Domain Image

Habang ang ibang mga anak ni Spelacchia, ang asong ina, ay iniuwi na sa bahay, naiwan naman si Pistachio sa bukid. Tuturuan at sasanayin daw siya ni Mallocci upang makatuwang sa pag-aalaga ng mga tupa. Ito ang magsisilbing pambugaw sa mababangis na hayop na magtatangkang sumila sa kaniyang mga alaga.

Para kay Mallocci, si Pistachio ay simbolo ng pag-asa, tuwa at magandang kapalaran, lalo’t nagdudulot siya ng ngiti at saya sa mga tao, lalo na sa panahon ngayon ng pandemya.