Timeless! Gandang Gloria Romero lalong pinalutang ng photo enhancement




Imahe mula sa Facebook page na Kulay Colorization / Public Domain Image
  • Pinag-usapan ang “timeless beauty” ni Gloria Romero
  • Namangha ang mga netizens sa kaniyang hitsura noong dalaga pa siya
  • Kabilang ang kaniyang larawan na dumaan sa “photo enhancement” ng isang digital artist

Nakalulugod panoorin sa telebisyon man o pinilakang–tabing ang mga bituin o artistang patuloy na namamagyag, tinitingala, at iginagalang sa industriya ng showbiz mula sa kanilang henerasyon hanggang ngayon. Isa na riyan ang beteranang aktres na si Ms. Gloria Romero.

Makikita sa Facebook page na “Memories of Old Manila” ang throwback photo ng mahusay at beteranang aktres  na may caption na “walang kupas ang kagandahan ni Gloria Romero” na ibinahagi ng isang netizen.

Larawan mula sa Facebook page na Memories of Old Manila

Namana ni Gloria Galla – o mas kilala sa screen name na Gloria Romero – ang kanyang kagandahan sa inang Amerikana na nagngangalang Mary Borrego at amang Pilipino na si Pedro Galla.

Si Gloria Romero ay 60 taon na sa industriya at nagawaran na ng napakaraming mga parangal at pagkilala, gaya ng kanyang pagganap sa pelikulang “Tanging Yaman” na nagtanghal sa kanya bilang FAMAS Best Actress noong 2001, FAMAS Best Supporting Actress noong 1989 para sa pelikulang “Nagbabagang Luha”, at  gayundin sa pelikulang “Dalagang Ilocana” noong 1955.

Siya rin ang kauna–unahang tumanggap ng Lifetime Achievement Award  mula sa Movies and Television Review and Classification Board o MTRCB.

Ang kanyang unang pelikula ay “Ang Bahay sa Lumang Gulod” sa ilalim ng Premiere Productions. Lumipat siya sa Sampaguita Pictures sa tulong ng kanyang tiyuhing si Nario Rosales, na noon ay Chief Editor ng Sampaguita Studios.  Simula noon ay nagsunod–sunod na ang kanyang mga markado at de–kalibreng pelikula.

Hindi alam ng nakararami na beauty queen din at title holder si Ms. Gloria Romero. Siya ang naging Miss Visayas sa naganap na Miss Philippines International Fair noong 1954 batay sa ibinahagi ng Filipina Pageants sa kanilang opisyal na Instagram account.

Larawan mula sa Instagram account na @filipinas.pageants2.0

Matapos ang mahabang panahon ng pamamayagpag sa pinilakang–tabing, napasama siya sa television sitcom na “Palibhasa Lalaki” sa ABS–CBN 2, “Richard Loves Lucy” at “Ok Fine! Whatever.” Napabilang din siya sa mga teleserye ng Dos tulad ng “Familia Zaragoza,” “Sana’y Wala Nang Wakas,” “Sa Dulo Ng Walang Hanggan,” “Kung Tayo ay Magkakalayo,” at “May Bukas Pa.”

Noong 2011 ay lumipat sa GMA Kapuso Network si Ms. Gloria at napasama sa cast ng teleseryeng “Ang Munting Heredera.” Hanggang sa kasalukuyan ay nananatili siyang Kapuso at hindi siya nawawala sa mga shows ng Kapuso Network. Isa na rito ang “Daig Kayo ng Lola Ko” na napapanood tuwing Linggo sa Sunday Grande ng GMA Kapuso Network. Kamakailan lamang ay isa siya sa mga lead star ng pelikulang “Rainbow’s Sunset” na opisyal na lahok sa 2018 Metro Manila Film Festival kung saan ay itinanghal siyang “Best Festival Actress in a Leading Role.”

Kamakailan lamang, pinag-usapan ang mga lumabas na photo enhancement sa kaniyang mga larawanl bagay na ikinamangha ng mga netizens, lalo na ng mga millenials at generation Z.

Makikita ito sa Facebook page na “Kulay Colorization” na ginawa ng digital artist na si Adlai Garcia Jawid.

Imahe mula sa Facebook page na Kulay Colorization

Tunay na walang kupas ang kagandahan at kahusayan ni Ms. Gloria Romero!