“The Gold Squad” Andrea, Francine, Seth, at Kyle may bagong teleserye sa ABS-CBN




Imahe mula sa Twitter page ng Dreamscape Entertainment
  • May bagong teleserye ang “The Gold Squad” 
  • Ito ay may pamagat na “Huwag Kang Mangamba” 
  • Ang TGS ay unang nabuo sa teleseryeng “Kadenang Ginto”

Sa bagong partnership ng ABS-CBN at Zoe Broadcasting Network na nagsilang sa “A2Z Channel 11,” mas nagkaroon pa ng linaw ang mga bagong nakalinyang teleserye ng Kapamilya Network na pinagkaitan ng bagong prangkisa, at ngayon ay nabibigyang-pagkakataong mapanood ang mga shows sa pamamagitan ng free TV.

Kaya naman, inilabas sa opisyal na Twitter page ng “Dreamscape Entertainment,” ang content provider ng ABS-CBN, ang pinakabagong teleseryeng pagbibidahan nina Andrea Brilliantes, Francine Diaz, Seth Fedelin, at Kyle Echarri na mas kilala bilang “The Gold Squad.”

Imahe mula sa Twitter page ng Dreamscape Entertainment

Ang “The Gold Squad” ay nabuo dahil sa matagumpay na teleseryeng “Kadenang Ginto” na pinagbidahan din nila kasama sina Beauty Gonzales bilang Romina at Dimples Romana bilang Daniella Mondragon na talaga namang sinubaybayan ng mga manonood.

Makakasama naman sa bigating cast sina Eula Valdes, Sylvia Sanchez, Enchong Dee, Nonie Buencamino, Matet de Leon, Dominic Ochoa, Soliman Cruz, Paolo Gumabao, at Matty Juniosa.

Ito rin ang magiging TV comeback ng aktor na si Diether Ocampo matapos ang ilang taong pananahimik mula sa showbiz.

Kasama rin dito si Mylene Dizon na may proyekto pa sa GMA Kapuso Network at RK Bagatsing na may rom-com teleserye kasama si Beauty Gonzales sa TV 5, sa produksyon ng Brightlight Productions.

Ang umawit naman ng theme song ang itinuturing na “Queen of Teleserye Theme Songs” na si Angeline Quinto, na kabilang din sa cast.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento sa mga netizens na nananabik nang mapanood ang The Gold Squad sa free TV.

“This is it! Ready na po akong umiyak! Another inspirational drama from Dreamscape. Thank you for trusting The Gold Squad,” sabi ng isa.

Public Domain Image

Turan naman ng isa, “Bibida na ulit ang #TheGoldSquad at siguradong punong-puno na naman ng mga aral ang teleserye na ito.”

Ang teleseryeng ito ay may katulad na tema at layuning magbigay ng aral sa mga manonood, katulad ng “May Bukas Pa,” “100 Days To Heaven,” “Honesto,” “Nathaniel,” “My Dear Heart,” at “Starla.” Patuloy umano ang paghahatid ng mga kuwentong may taglay na aral at inspirasyon.