Tarp sa Mendiola na nagdedeklara ng “Persona non Grata” sa CPP-NPA-NDF pinag-usapan




Public Domain Image
  • Usap-usapan ang isang tarpaulin sa Maynila
  • Nakalagay kasi roon na idinedeklarang “persona non grata” ang mga kasapi ng CPP-NPA-NDF
  • Ito raw ay mula sa NTF-ELCAC

“Persona non Grata”

Iyan ang bumuluga sa mga taga-Maynila na makikita sa isang tarpaulin na nakasabit sa isang railing sa Mendiola, Maynila, kung saan sinasabing mga “persona non grata” raw ang mga kasapi ng CPP-NPA-NDF.

Tumutukoy ang CPP sa “Communist Party of the Philippines,” ang NPA naman ay “New People’s Army,” at ang NDF naman ay National Democratic Front of the Philippines. Ang naturang tarpaulin ay nakalagay sa railings ng isang footbridge na malapit sa Embahada ng Estados Unidos o US Embassy sa kahabaan ng Roxas Boulevard.

Public Domain Image

Makikita rin sa naturang tarpaulin ang mga hotline number ng kapulisan, na maaaring ma-contact ng publiko kung sakaling may impormasyon sila laban sa mga “rebeldeng” pangkat.

Sa pag-uusisa ng mga reporter kay PNP chief Police General Camilo Pancratius Cascolan, sinabi niyang ang naturang tarpaulin ay nagmula sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), na naglalayong sugpuin ang “communist insurgency” katuwang ang mga lokalidad.

“”Well, sa ELCAC ‘yan sa end local communism armed conflict. It is actually a partnership with all the community. Ayaw po nating may mangyaring masama sa atin. Ayaw po nating may magkaroon ng rebelyon lalo’t lalo na mga kuwan ng New People’s Army, mga galawan ng New People’s Army,” ayon sa PNP chief.

Hindi raw mapapayagan ng kapulisan ang mga “panggugulo” mula sa mga ito.

“What we want is they go here, this is a wide area, they enjoy Manila, huwag na ho silang mang-abuso, hindi na po natin sila sasaktan din. Siyempre kung mananakit din po sila at magkakaroon ng rally, kailangan pong magtrabaho ng pulis natin. I-prevent po ang mga rally lalo’t lalo na kung walang permiso tapos lalo na kung nananakit din po sila dapat hulihin po natin ‘yan,” dagdag pa ni Cascolan.

Public Domain Image

Ang persona non grata ay mga taong ipinagbabawal sa isang partikular na lugar dahil sa banta o paglabag na kanilang nagawa. Ang kinikilalang lider ng CPP-NPA-NDF ay si Jose Maria Sison.