Tahanang Pinoy: Iba’t ibang uri ng bintana o durungawan




Public Domain Image
  • Nagdulot ng “nostaglia” ang isang larawan
  • Makikita rito ang iba’t ibang uri ng durungawan
  • Hindi naman naiwasan ng mga netizen ang magbahagi ng kanilang karanasan

“Kapag nagsara ang pintuan, magbubukas ang mga durungawan.”

Isa sa mga mahahalagang bahagi ng isang bahay ang mga bintana o durungawan. Ito ang nagsisilbing simbolo ng pagtanaw sa bagong umaga, na nagbibiga ng bagong pag-asa sa mga taong nakararamdam ng panimdim o kalungkutan sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay. Dito pumapasok at tumatagos ang mga silahis o sinag ng araw, na nagdudulot ng sigla at kakaibang enerhiya sa lahat.

Kaya naman, patok sa mga netizens ang isang larawang makikita sa Facebook page na “Batang Pinoy-Ngayon at Noon” kung saan makikita ang iba’t ibang mga uri ng durungawan o bintana na makikita sa mga tipikal na bahay sa Pilipinas.

Imahe mula sa Facebook page na Memories of Old Manila and Beyond / Public Domain Image

Ang unang uri ay gawa sa kapis na makikita pa noong panahon ng mga Espanyol sa Pilipinas. Ang pangalawa naman ay ang de-saradong binatana na nilalagyan ng tukod, o kapirasong kahoy. Ang pangatlo naman ay gawa sa pinagpatong-patong na patpat o kawayan.

Ang pang-apat ay makabago na o tinatawag na “jalousie” na gawa sa mga salamin, na maaaring maitiklop. At ang panlima naman ay yari sa sawali at kawayan na de-sara ding parang pinto, na kadalasang makikita sa bahay-kubo.

Kaniya-kaniya namang pabida ang mga netizens kung alin sa mga ito ang naging bintana nila sa bahay.

“Yung no. 1 bintana ng mga lola ko sa bahay nila hanggang ngayon. Tapos ‘yang no. 2 bintana dito sa bahay ng asawa ko,” sabi ng isa.

Pagbabahagi naman ng isa, “Number 2 and  proud to be carton/tagpi-tagpi bahay namin in our old days. At dahil namulatan namin ang hirap, nagsikap akong mangatulong in three different country maabot ko lang ang bahay na bato. Now for good na ‘ko with DEGREE HOLDER daughter, and for that by the grace of our dear Lord.”

Public Domain Image

“Number 2. Noong bata ako madalas diyan tambayan ko sa bintana na ‘yan tapos naapakan ko yung stick niyan, nalaglag ako sa baba kaya puro ako putik noon kasi tag-ulan… hindi ko talaga makalimutan hanggang ngayon,” saad ng isa.

Sa pagdaan ng makabagong panahon, iba-iba na rin ang naging disenyo ng mga bintana o durungawan. Mas moderno o makabago na ito, lalo na sa panahon ngayon na maraming masasamang elemento tulad ng mga “akyat-bahay.”

Ikaw, anong kuwentong bintana mo?