“Sumugod” ka rin ba sa bayabasan noong bata ka pa?




Image mula sa Facebook page na Alaala at Kasaysayan sa Likod ng Lumang Larawan
  • Nagbalik sa alaala ng nakaraan ang mga netizens
  • Dahil ito sa larawan ng mga batang patungo sa bayabasan
  • Kaniya-kaniyang salaysay naman ang iba hinggil sa kanilang karanasan

Ibang-iba na nga ang kinahuhumalingan at pinagkakaabalahan ng kabataan ngayon, kung ihahambing sa kabataan noon. Sa ngayon kasi, bigyan mo lamang ng gadget at tiyaking may internet connection ang bata, tiyak na kayang-kaya nitong maupo o mahiga lamang sa isang tabi at maglaro ng mga online games. Naiiba nga talaga ang lahat depende sa panahon.

Noon, bukod sa mga paglalaro ng iba’t ibang mga larong kalye, gustong-gusto rin ng mga bata ang “pagsugod” sa mga puno upang akyatin ito at manguha ng mga bunga upang makain. Iyan ang dulot na “nostalgia” ng larawang ibinahagi sa Facebook page na “Alaala at Kasaysayan sa Likod ng Lumang Larawan” na ibinahagi ng netizen na si Ven Assi Devila Alpz.

Image mula sa Facebook page na Alaala at Kasaysayan sa Likod ng Lumang Larawan

“Marami yata ang nakaranass nito noon,” ayon sa caption.

Makikita ang lipon ng mga bata na may iba’t ibang “role” daw sa gagawing pagsugod sa bayabasan: nariyan ang pinuno, kapatid ng pinuno, ang batang may alam kung nasaan ang mga puno ng bayabas, ang alalay, “saling-pusa” o honorary member, at napasabit lang dahil pinabili ng suka sa tindahan. Good vibes, hindi ba!

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens. Marami sa kanila ang nagbahagi ng kanilang mga kuwento at karanasan hinggil dito.

“Ganiyan kasarap buhay-kabataan noon: bayabas, mangga, kaimito, siniguelas, camachile, mabolo, duhat, balimbing, atis, duhat, aratiles… lahat iyan pinapatos! Minsan kapag nagagawi sa ilog, pakwan, hehe. Maggala ka lang noon, busog ka na, malusog pa,” saad ng isa.

Turan naman ng isa, “Hahaha sa amin noong bata pa kami sinasabihan kami na meron daw mga malignong nangunguha ng mga bata, kaya kahit malalaki ang bayabas sa puno, natatakot kami at magtatakbuhang pauwi.”

Image mula sa Facebook page na Alaala at Kasaysayan sa Likod ng Lumang Larawan

“Inaabot ako ng tanghalian sa itaas ng punong bayabas, lalo na pagkatapos ng ulan… daming manibalang at hinog… gusto ko pinipitas ng sarili kong kamay kahit pa nasa dulo ng sanga… nalaglag nga ako minsan, dami kong dalang bayabas sa school, pinamimigay sa mga classmates,” pagbabahagi naman ng isa.

Napakasarap balikan ng nakaraan, hindi ba?

Source :

Facebook