Posible nga bang mahanap ang “true love” sa dating apps?




Public Domain Image
  • Nakagamit ka na rin ba ng mga dating apps?
  • Iyan ang  ibinahagi ng ilan sa mga netizens
  • Nagbahagi sila ng iba’t ibang karanasan hinggil dito

Sa panahon ngayon ng pandemya at limitasyon sa paglabas o pakikihalubilo sa kapwa, paano na nga ba ang “social life” at “love life?”

Kaya naman, isa sa mga epekto ng community quarantines ang pakikipag-interaksyon ng mga tao sa pamamagitan ng mga social media applications. Isa na riyan ang paggamit ng mga dating apps na makikita at maaaring ma-download sa mga Playstore at Appstore ng mga smartphones. “Swipe left” kapag hindi mo bet, “swipe right” kapag two thumbs up at okay sa alright!

Public Domain Image

Ngunit posible nga bang makatagpo ang taong nakatadhana o nakatakda para sa iyo sa pamamagitan ng dating app? Para kay Cecille, 32 taong gulang, posible ito. Sa katunayan, sa dating app na Tinder niya nakilala ang kaniyang foreigner boyfriend, na hindi naglaon ay naging asawa na niya.

“Oo naman. Noong una, akala ko chat-chat lang kami. Pero he insisted to see and meet me personally kaya nag-book talaga siya para lang makita ako rito sa Pilipinas. Noong nakita ko siya, sabi ko sa sarili ko, he is definitely the one for me! Kaya naman hindi ko na siya pinakawalan,” testimonya ni Cecille.

Ganiyan din ang pahayag ni Ross, 28 taong gulang, kung saan nakilala niya naman sa dating app na “Bumble Bee” ang kaniyang kasintahan ngayon. Iba ang kuwento niya, dahil ang naka-match niya pala ay dati niyang kaklase, na crush niya noong sila ay nasa high school.

“Mabuti na lang talaga may technology na, kasi kung wala, hindi magtatagpo ulit ang mga landas namin. Kaya laking pasasalamat ko sa app na iyan,” pahayag ni Ross.

Public Domain Image

Sa kabilang banda, may mga nagsasabi namang halos 90% ng mga dating app users ay “fun” lamang ang hanap at hindi seryoso. Mas marami nga naman daw kasing options kaya bakit kailangang mag-settle sa iisa lamang? Kagaya ni Miguel, 25 taong gulang, na aminadong kaya lamang gumagamit ng mga dating apps ay dahil gustong maglibang at makakilala ng iba, subalit walang planong humanap ng makakasama panghabambuhay.

“Mahirap kasing magtiwala sa mga taong gumagamit ng dating apps. Dating apps nga ‘di ba? Ibig sabihin, puwedeng hindi lang ikaw ang ka-chat. So partly, nakakatakot makipag-commit,” pag-amin ni Miguel.

Si Kristel naman, 41 taong gulang, ay nakaranas ng panloloko sa dating app.

“May nakilala akong foreigner, sundalo raw siya, at bibigyan daw  niya ako ng parcel na may lamang mga pera, laptop, at mga alahas, Ibibigay raw niya sa akin. Naniwala naman ako. Tapos, noong nasa Pilipinas na raw, hinarang daw sa Immigration. May tumawag pa sa akin at kailangan ko raw magpadala ng pera para maideliver yung parcel. Scam na pala iyon, buti nalaman ng kapatid ko at binalaan niya ako,” salaysay niya.

Ikaw, naniniwala ka bang posibleng matagpuan ang “true love” sa mga dating apps?