Pinal na: DOLE inutusan ang mga kompanya na ibigay ang 13th month pay sa mga empleyado




Public Domain Image
  • Kailangan pa ring ibigay ng mga kompanya ang 13th month pay
  • Iyan ang pinal na pasya ng DOLE
  • Naaayon umano ito sa batas

Binawi ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III ang nauna niyang pahayag na hindi dapat puwersahin ang mga kompanya na magbigay ng “13th month pay” sa kani-kanilang mga empleyado o manggagawa, lalo na kung sila ay nasa estado ng pagkalugi.

Nitong Oktubre 15, 2020, kumambyo si Bello at sinabing kinakailangang magbigay pa rin ng 13th month pay ang mga kompanya sa kani-kanilang mga empleyado o manggagawa, kahit na medyo tagilid ang kita nito dulot na rin ng krisis pangkalusugan.

Public Domain Image

May batas daw na kailangang sundin hinggil dito, na hindi maaaring ma-delay o ipagpaliban.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi maaaring ipagpaliban ng mga may-ari ng kompanya ang pagbibigay ng 13th month pay sa kanilang mga manggagawa dahil ito ang nakasaad sa batas.

“The law has not been amended. That is the law. That is a mandatory provision of the Labor Code,” sabi ni Roque sa press briefing na ginanap sa Malacañang.

“Pabayaan po nating pag-aralan ng DOLE  Pero sa aking tingin, hanggang magkaroon ng bagong batas ay baka hindi po iyan pupuwedeng ma-defer,” dagdag pa ni Roque.

Nakasaad sa Presidential Decree 851 na lahat ng mga may-ari ng kompanya ay kinakailangang magbigay ng 13th month pay sa kanilang mga manggagawa bago sumapit ang araw ng Kapaskuhan.

Ang 13th month pay ay katumbas ng 1/12 ng basic annual salary ng empleyado o isang buwang sahod sa loob ng isang taong pagtatrabaho ng isang manggagawa.

Public Domain Image

Ang pinagbitayan umano ni Bello sa kaniyang pahayag noon ay ang nakasaad sa implementing rules and regulations (IRR) ng nasabing batas na “Distressed employers shall qualify for exemption” kung may authrozation ng Secretary of Labor.

Samantala, maging ang ilang mga mambabatas sa Senado ay hindi pabor na hindi maibigay sa mga manggagawa ang naturang benepisyo, na maaaring inaasahan ng lahat.