Nostalgia: Ginamit mo rin bang pera-perahan ang mga tansan at balat ng candy?




Imahe mula sa Facebook page na Batang Pinoy - Ngayon at Noon / Public Domain Image
  • May silbi ang tansan at balat ng candy noong araw
  • Ginagawa itong pera-perahan ng mga bata sa kanilang paglalaro
  • Marami sa mga netizens na aminadong batang 80’s at 90’s ang nagpatotoo nito

Isa sa mga alaalang binabalik-balikan ng mga batang 80’s at 90’s ang paglalaro sa kalsada, dahil hindi pa masyadong mainit noon, wala pang makabagong gadget at internet connection, at wala pang pandemya. Bukod sa mga larong gaya ng taguan, habulan, patintero, langit-lupa, at marami pang iba, naging uso rin ang paglalaro ng bahay-bahayan, lutu-lutuan, at tinda-tindahan.

Nanariwa sa gunita ng mga certified batang 80’s at 90’s ang kanilang paglalaro ng tinda-tindahan kung saan ginawa nilang pera-perahan ang mga tansan mula sa mga bote, at balat ng candy o candy wrapper. Iyan ang nostalgic na dulot ng Facebook page na “Batang Pinoy-Ngayon at Noon” na ibinahagi ng netizen na si “Bugoy.”

Imahe mula sa Facebook page na Batang Pinoy – Ngayon at Noon

“Kaway kaway sa mga minsan naging mayaman noon” ayon sa caption ng Facebook post, Kalakip ang larawan ng mga nagkalat na tansan at candy wrapper na ginawang pera-perahan: ang tansan ay kunwa-kunwariang barya, habang ang candy wrappers naman ay bill.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Tama, kaya walang masyadong basura dati, dahil mahalaga ang balat ng candy dati at saka ‘yong takip ng softdrinks at ginagamit pa namin sa tatsing ‘yong tansan, kapag nanalo saka uuwi, sasabihin ng Nanay namin, O sige ilagà mo yan at higupin ang sabaw,” ayon sa isa.

Sabi naman ng isa, “Sarap balikan ang nakaraan. Kaya malinis ang kpaligiran dahil sa kabataan na namumulot ng balat ng candy at papel ng sigarilyo at tansan para may ipanglaban sa kalaro nakakatuwa ang buhay dati. Ngayon halos wala na ko nakikita sa kabataan na ganiyan ang nilalaro.”

Public Domain Image

“Namumulot kami ng balat ng candy at tansan para gawing pera-perahan at makikipaglaban sa kapwa-bata na kalaro: alog- tansan tapos pambayad ‘yang balat ng candy, ang yaman namin noon kapag nanalo, simple lang ang kasiayahan. Tlagang nakaka-miss ang kabataan noon,” pahayag naman ng isa.

Sa pagdaan ng panahon, nagkaroon na rin ng mga tinatawag na “play money” o mga laruang pera na ibinatay sa disenyo o dibuho ng tunay na mga pera, subalit hindi ito maaaring ipambili kahit candy sa tindahan dahil wala naman itong tunay na halaga.

Namiss mo rin ba? Kung maaari nga lang na maging tunay na pera ang tansan at balat ng candy, ano?

Source :

Facebook