Nanay nagpaturo sa guro upang magabayan ang sariling anak sa pagsagot ng module




Imahe mula sa Facebook page ng DepEd Imus/Remedios Panganiban
  • Nagpaturo ang isang magulang sa guro ng kaniyang anak
  • Hindi niya kasi alam kung paano ituturo ang komplikadong aralin sa Matematika
  • Buong-puso naman siyang tinuruan ng naturang guro at nag-iwan pa sa kaniya ng notes

Hindi pa man pormal na nagsisimula ang taong panuruan 2020-2021 at kabubukas pa lamang sa publiko ang ideya ng distance/blended learning, umani na ito ng samu’t saring reaksyon at opinyon, lalo na sa mga magulang na nakatakdang maging gabay ng kani-kanilang mga anak na piniling matuto sa pamamagitan ng learning modules.

Paano nga naman daw matuturuan ng ilang mga magulang ang mga anak, kung sila mismo ay hindi naiintindihan ang aralin? Subalit sabi nga, kung gusto ay maraming paraan at kung ayaw ay maraming dahilan. Pinatunayan ng isang magulang na nagngangalang “Josephine Pardeno” na magagawan nang paraan ang lahat basta’t pursigido.

Imahe mula sa Facebook page ng DepEd Imus/Remedios Panganiban

Ayon sa Facebook page ng DepEd-Imus, si Aling Josephine ay may anak na Grade 6 na nag-aaral sa Paaralang Elementarya ng Alapan I. Cellphone lamang ang kaisa-isang gadget ng pamilya na kailangang paghatian ng kaniyang mga anak, na ang isa naman ay nasa Grade 5.  Wala rin silang sariling Wi-Fi. Isa pa, high school lamang ang natapos ni Aling Josephine maging ang kaniyang mister, na isa namang contractual driver.

Dahil maliit lamang ang sinasahod ng kaniyang mister at siya ay isang simpleng maybahay, hindi sila makabili ng dagdag na gadget, o kaya naman ay matustusan ang pang-load para sa internet connection ng anak. Kaya naman modular ang learning modality na pinili niya upang maipagpatuloy ng kaniyang mga anak ang pag-aaral.

Inihanda na raw ni Aling Josephine ang sarili sa kakaharaping obligasyon subalit hindi niya inakalang mahirap at komplikado na pala ang mga aralin sa Grade 6 lalo na sa Matematika. Pakiramdam niya’y mistula siyang isang “bulag na naatasang maging gabay.”

Subalit hindi raw pinanghinaan ng loob si Aling Josephine. Sa halip na magreklamo at ibuhos ang kaniyang nararamdaman sa social media, nagsadya raw siya sa guro ng Matematika ng kaniyang anak na si G. Arly Flores, upang magpaturo dito. Hindi naman nagdalawang isip si G. Flores na turuan si Aling Josephine  upang makapagbahagi ito sa anak. Binigyan pa niya ito ng notes upang hindi malito.

Imahe mula sa Facebook page ng DepEd Imus/Remedios Panganiban

Ayon kay G. Flores, “Na-appreciate ko ang kanyang ginawa. Maraming magulang ang nahihirapan pero bukod-tangi siyang nagsadya pa rito sa school para magpaturo. Tanda na committed talaga siya sa kanyang tungkulin. Sana all,” wika pa ni G. Flores na may paghanga.

Minabuti raw talaga ni Aling Josephine na puntahan si G. Flores dahil hindi nila mapanood ang video lessons ng guro. Kailangan pa nilang magpa-load ng 100 upang magkaroon ng internet connection sa pamamagitan ng data. Nagkataon namang wala siyang kapera-pera noong araw na iyon.

“Isang simpleng senaryo na sumasalamin sa kinakaharap ng milyon-milyong mga bata, magulang at guro sa ngayon. Mahirap man pero kung nanaisin ay may paraan. Kung magtutulungan ay magpapatuloy pa rin ang may kalidad na edukasyon sa ating bansa,” ayon sa DepEd-Imus.

Mabuhay ka Aling Josephine at Sir Flores! Nawa’y maging inspirasyon kayo ng lahat!