Na-miss mo na rin bang magsulat sa “formal theme?”




Imahe mula sa Facebook account ni Jeric Luistro / Public Domain Image
  • Nagdulot ng nostalgia ang isang larawan
  • Ito ay ang “formal theme”
  • Dito lumilikha ng sulatin o komposisyon ang mga mag-aaral sa high school, mapa-English man o Filipino ang asignatura

Isa sa mga mahahalagang kasanayang dapat matutuhan ng mga mag-aaral, o maging sinoman, ang pagsulat. Isa ito sa limang makrong kasanayang makatutulong sa pamumuhay at pag-aaral: kabilang ang pakikinig, pagsasalita, pagbasa, at panonood.

Kaya naman, sino nga ba ang makalilimot sa tinatawag na “formal theme” na ginagamit ng mga guro upang mahasa ang paggawa ng sulatin o komposisyon, na maaaring pormal o impormal? Iyan ang namimiss ng netizen na nagngangalang “Jeric Luistro” matapos niyang itampok sa Facebook post ang larawan ng isang asul na formal theme para sa asignaturang Filipino.

Imahe mula sa Facebook account ni Jeric Luistro / Public Domain Image

“Kaway-kaway sa mga tumatanda na riyan HAHA. Ilang beses kang napa-rewrite? (kabit-kabit pa moooooreeeee)” caption niya.

Naghatid naman ito ng nostalgia sa mga netizens.

“May kulay-green pa ‘to. Ewan ko kung green talaga ‘yon. Basta dalawa ‘yan,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Oo ganiyan nga ang pinaglalagyan ng sulatin namin. Kasama sa checklist of instructional materials na dapat bilhin ng mga nanay bago magsimula ang klase. Iyong isa, sa English naman.”

“Hirap ako magsulat nito pagdating sa gilid hindi ko alam ano gagawin ko sa word pag bitin yung space tapos medyo mahaba yung word na susulat ko, tapos ang nipis pa ng linya kaya kahit maganda penmanship mo papangit pa rin tingnan kasi lumulubog,” kuwento naman ng isa.

“Pahayag naman ng isa, “Naku nakatago iyan sa akin hanggang ngayon, mula First Year hanggang Fourth Year high school ako, nakalagay lang doon sa backpack na ginagamit ko noon. Kay sarap balikan ng nakaraan!”

Imahe mula sa Facebook account ni Jeric Luistro / Public Domain Image

Sa kasalukuyang makabagong paraan ng pagtuturo, maaaring gawin ang sulatin sa pamamagitan ng Microsoft Word file o Google Document. Sa module naman, tinitiyak ng mga guro na may gawaing pasulat pa rin.

Na-miss mo rin ba ito?