Mga guro ng Filipino nagsuot ng headress ni Darna sa pagtalakay ng epiko




Imahe mula sa Facebook account ni Melinda Dela Cruz Dauba / DepEd Tayo
  • Kakaiba ang paraan sa pagtuturo ng ilang mga guro sa Muntinlupa
  • Gumamit sila ng headress at costume ni Darna
  • Ginawa nila ito upang mapukaw ang atensyon ng kanilang mga mag-aaral sa Ikapitong Baitang

Malaking hamon para sa mga guro ang pagsasagawa ng online class, hindi lamang dahil sa internet connection o walang masyadong kaalaman hinggil sa teknolohiya, kundi maging ang pag-iisip kung paano makukuha ang buong atensyon ng mga mag-aaral, lalo na sa mga mabababang baitang, na madaling mapukaw ang pansin sa iba pang mga bagay.

Kaya naman, kakaibang diskarte ang ginawa ng mga guro ng asignaturang Filipino na nasa Ikapitong baitang, sa Muntinlupa National High School dahil nagsuot lamang sila ng headress at costume ni Darna upang maituro ang araling epiko sa mga mag-aaral. Makikita iyan sa Facebook post ng isa sa mga gurong si “Melinda Dela Cruz Dauba” na binigyang-pugay naman sa opisyal na Facebook page ng DepEd o Department of Education.

“Congratulations Grade 7 Filipino teachers for a job well done!” saad sa caption ng post, na may hashtag Darna, epikol at superheroes.

“Gagawin ang lahat upang makasabay sa New Normal. Walang mag-aaral na maiiwan. Sulong EduKALIDAD. Handang isip! Handa Bukas!” dagdag pa niya.

Umani naman ito ng mga papuri at positibong reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Super Idol! Sila ang masisipag at masusugid na guro! Gagawin ang lahat para sa mga mag-aaral! Saludo po kami sa inyo!” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Excellent presentation. It means that teachers are dedicated to their works and have commitment. Congratulations po. Keep safe always. God bless you all.”

“They just have shown to their students how it will be if there’s no pandemic. They also emphasized the importance of this topic,” wika naman ng isa.

Saad naman ng isa, “Huwaran po kayong mga guro! Nakaka-inspire po kayo. God bless po mga Ma’am.

Imahe mula sa Facebook account ni Melinda Dela Cruz Dauba / DepEd Tayo

Ang epiko ay isang uri ng tulang pasalaysay na tumatalakay sa pakikipagsapalaran ng isang pambihirang bayaning may supernatural na kakayahan o katangian.

Pagbati po sa mga naturang guro na hindi matatawaran ang dedikasyon sa pagtuturo!