Mag-aaral na grade 6 mag-isang nakagawa ng Science experiment gamit ang learning module




Imahe mula sa Facebook page na DepEd Tayo GenSan
  • Bilib ang mga netizens sa isang Grade 6 pupil
  • Kinaya nito ang isang Science experiment
  • Binasa at sinunod lamang nito umano ang mga panuto sa self-learning module

Ipinagmalaki ng isang guro ang kaniyang mag-aaral sa Grade 6 matapos nitong maisagawa nang mag-isa ang kanilang experiment, na isa sa kanilang mga gawaing nakasaad sa self-learning module para sa asignaturang Science.

Itinampok sa opisyal na Facebook page na “DepEd Tayo GenSan” ang Grade 6 pupil na si Nonato E. Saturos ng Calumpang Elementary School, na naisagawa ang experiment sa asignaturang Science sa ikalawang araw pa lamang ng pasukan.

Imahe mula sa Facebook page na DepEd Tayo GenSan

Ayon sa kaniyang gurong tagapayo na si Teacher Fe Gallano, nagawa ni Nonito ang experiment sa pamamagitan ng masusing pagsunod sa mga panuto na napaloob sa self-learning module, gamit lamang ang mga kagamitan o sangkap na makikita lamang sa kanilang kusina o bahay.

Umani naman ito ng mga papuri mula sa mga netizens.

“Oh ‘di ba, marami namang mga bata na talagang gusto matuto at magpatuloy sa pag-aaral sa kabila ng pandemya, may mga magulang naman na nagpepetisyon pa na itigil muna ang pasukan ngayon. Kung ayaw sana nila papasukin mga anak nila, o ayaw nila ngayon sa blended learning, di naman pinipilit lahat, wag na idamay yung mga pamilyang gusto magpatuloy, katulad ng batang ito,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Talagang may dedikasyon sa pag-aaral at pagkatuto. Ang mga batang katulad niya, kapag nahinto sa pag aaral, malulumbay siya kasi hanap-hanapin niya ang gawain sa pagkatuto. Kudos sa mga guro, magulang at mga batang nakakaunawa sa kalagayan nating lahat ngayon.”

“Proud of you! Dapat mabigyan ng incentive ang bata… basta may study habit ang bata mula pa sa simula madadala niya ‘yan hanggang lumaki… proud din ako sa parents ng batang ito,” papuri ng isa.

Imahe mula sa Facebook page na DepEd Tayo GenSan

Saad naman ng isa, “Basta may patnubay po ng magulang. Kailangan po ngayon eh tulungan ng guro sa magulang, guro sa mag aaral at magulang at mag aaral.”

Kudos sa iyo, Nonato! Ipagpatuloy mo lamang ang pagiging masigasig sa pag-aaral at tiyak na malayo ang mararating mo!