Lolong nagtitinda ng ice drop kinahabagan ng mga netizens; nais matulungan




Imahe mula sa Facebook account ni Patrick Mariano
  • Kinahabagan ng mga netizens ang isang “Lolo Tindero”
  • Nagtitinda ito ng ice drop o ice cream
  • Pinakyaw ng mga empleyado ng isang kompanya ng organic fertilizers ang mga paninda niya

Sa panahon ngayon ng pandemya at walang katiyakan kung kailan manunumbalik ang mga dating kinasanayan, lahat ng mga pagkakataong kumita ay pinapasok ng ating mga kababayan. Isa na rito ang mga nakatatanda o senior citizens na ayaw mapirmi sa kanilang mga bahay at umasa lamang sa tulong o sustentong ibibigay ng kanilang mga kaanak.

Kamakailan lamang, pinag-usapan ang Facebook post ng isang netizen na si “Patrick Mariano” matapos niyang itampok ang kaniyang nasaksihang kabutuhang-loob na ginawa ng ilang mga “concerned citizen” sa isang lolong nagtitinda ng ice drop o ice cream.

Imahe mula sa Facebook account ni Patrick Mariano

Salaysay niya, naispatan niya ang isang matandang lalaking naglalako ng ice drop kahit hirap na hirap na ito sa paglalakad, at umuulan-ulan pa. Nagulat na lamang siya na isang delivery truck ang huminto sa harapan nito. Pinakyaw ng mga nasa loob nito, na napag-alamang mga empleyado ng “Shalom Organic Fertilizer,” ang mga paninda ni Lolo upang makauwi na ito sa kanilang bahay. Nasabi tuloy niya: “Faith in humanity restored.”

“Kanina habang nagliligpit ako sa kuwarto, may nakita ako sa labas na delivery truck na biglang pumarada sa harap ng bahay namin. Doon ko nakita na tinigilan pala nila si Tatay na naglalako ng ice cream habang umuulan. Inubos na pala nila yung tinda ni Tatay para makauwi na at hindi na magkasakit dahil raincoat lang at sumbrero ang suot na proteksyon sa ulan,” salaysay ng netizen.

“Shalom Organic Fertilizer, salute to you for reminding us that a small act of kindness can bring enormous impact on someone else. Seeing you do that gesture from a far without you knowing it inspired us to do better for other people. God sees your heart and may God bless your business MORE!” dagdag pa niya.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga netizens.

Imahe mula sa Facebook account ni Patrick Mariano

“Salute to the employees na pumakyaw sa mga paninda ni Lolo. Kung nariyan lang ako, isa na rin ako sa mga nakipakyaw. May dignidad pa rin yung matanda na gusto niya, pinagsumikapan niya ang kaniyang kakainin, na somehow, I truly understand,” turan ng isa.

Pahayag naman ng isa, “Naiiyak ako na makakita na ganito katanda na kumakayod pa rin at nagbabanat ng buto para may makain, imbis na nagpapahinga na lang sa bahay at inaalagaan siya ng anak o apo.”

Samantala, nalaman naman ni Patrick ang mga impormasyon hinggil sa naturang matanda.

“Was able to get sources/leads sa whereabouts ni Tatay. Si Tatay lang daw po di umano ang may gustong lumabas at magtinda. Hindi daw siya nire-require ng family niya. Siguro nasanay lang talaga si Tatay na magtrabaho mula pagkabata niya kaya ayaw daw niya manatili sa bahay,” sabi niya.

Para sa mga nais tumulong sa naturang masipag at matiyagang Lolo Tindero, makipag-ugnayan lamang sa Facebook Messenger ni Patrick Mariano.

Source :

Facebook