Lalaking namasyal sa mall napagkamalang janitor dahil sa OOTD niya; nilinaw na wala siyang inaalipusta




Imahe mula sa Facebook account ni Nick Nicolas Jr.
  • Idinaan sa biro ng isang netizen ang kaniyang pagkadismaya sa nabiling damit sa online shop
  • Napagkamalan daw kasi siyang janitor nang suutin niya ito sa mall
  • Nilinaw naman niyang hindi niya hinahamak ang mga janitor o ang trabahong ito

Ibinahagi ng isang netizen na nagngangalang “Nick Nicolas, Jr.” ang kaniyang anekdota o kawili-wiling karanasan sa isang mall sa Marilao, Bulacan kung saan hindi sinasadyang napagkamalan siyang “maintenance staff” o janitor ng isa sa mga mall goers na nakasabayan niya sa pagtungo sa palikuran.

Ayon sa kaniyang Facebook post, “feel na feel” daw niya ang kaniyang OOTD o “Outfit of the Day” with matching kape mula sa sikat na coffee shop nang bigla siyang tanungin ng lalaking nakasabayan niya sa palikuran.

Imahe mula sa Facebook account ni Nick Nicolas Jr.

“Yung f na f ko outfit ko with dalang Starbucks papunta ako ng CR tapos yung mama palabas ng CR tapos ako papasok. Bigla akong tinanong ng mama kung saan CR ng lalaki… kasi nga sarado daw! Baka nga siguro napagkamalan akong janitor dahil sa OOTD ko!” aniya.

“Sinisi” tuloy ng netizen ang online shop (hindi na niya pinangalanan) na napagbilhan niya ng damit.

“Manong hindi po ako JANITOR! Kasalanan ito ng isang sikat na online shop (not to mention) dahil mali ang ibinigay.. ayoko na talaga isuot ‘to! Nakakataas kayo ng blood sugar!”

Hindi naman akalain ng netizen na magiging “viral” ang kaniyang Facebook post. Marami ang naaliw at marami rin naman ang na-offend sa kaniyang sinabi; na tila raw inaalipusta niya ang pagiging janitor, na maituturing na isang marangal na trabaho. Agad niyang nilinaw ang sarili sa pamamagitan ng paglalagay ng update sa kaniyang post.

“Di ko ine-expect na mag-viral ‘tong post ko na ‘to… SALAMAT sa mga natawa at SORRY sa mga na-offend.
Ang tinutukoy ko po rito ay napagkamalan akong janitor sa OOTD ko,” bahagi ng kaniyang update.

Paglilinaw niya, “TAKE NOTE: WALA AKONG BALAK O PLANO NA HAMAKIN O MALIITIN ANG MGA JANITOR.
Good vibes lang po… Hindi ako perfect pero kahit papaano napasaya ko kayo. Kahit karamihan negative mga comments. PASENSYA NA PO.”

Imahe mula sa Facebook account ni Nick Nicolas Jr.

Paunawa niya, unawaing mabuti ang kaniyang post. Good vibes lamang daw ang hatid niya kaysa maimbyerna sa damit na nabili niya. Ang mga janitor ay maituturing nating mga frontliners na nagpapanatili ng kalinisan sa ating paligid.

Source :

Facebook