Koreanong nagtitinda ng noodles sa kalsada may libreng patubig sa mga motorista




Imahe mula sa Facebook account ni Justine Herrera Santiago
  • Kinalugdan ng mga netizens ang isang matandang Koreanong nagtitinda ng noodles sa kalsada
  • May libreng patubig siya sa mga motoristang Pilipino
  • Dati raw siyang mayaman subalit naubos ang kaniyang pera simula nang magtungo siya sa Pilipinas

Hindi lamang ang mga kapwa-Pilipino ang nagpapakita ng malasakit sa mga kababayan. Sa ibang mga pagkakataon, nagpapamalas din nito ang mga banyaga o dayuhan.

Kagaya na lamang ng isang tinderong Koreano na itinampok ng netizen na si Justine Herrera Santiago sa kaniyang Facebook post. Habang nagmamaneho raw, napansin niya ang isang matandang Koreano na nagtitinda ng mga noodles sa gilid ng kalsada. Napansin ng netizen ang karatulang “Korean food noodles buy 2 take 1”

Imahe mula sa Facebook account ni Justine Herrera Santiago

Subalit ang mas napansin daw niya ay ang paskil na “Free Ice Cold Water for Motorcycle Drivers And Car Drivers” na ibinibigay niya sa mga motoristang nagmamaneho nang tanghaling tapat. Dahil nabuksan ang kuryosidad, inusisa ng netizen ang naturang Koreano.

Nagtitinda ito ng mga Korean noodles sa pamamagitan ng e-bike, subalit nang mga sandaling iyon, na-low batt na ito kaya minabuti na lamang nitong ipapakyaw ang mga paninda sa kalsada.

Kuwento ng Koreano, dati raw siyang mayaman subalit naubos ang kaniyang pera nang dumating siya sa Pilipinas. Marami umanong mga Pilipino ang “nang-abuso” sa kaniya. Nakaramdam ng awa ang netizen at sinabing hindi lahat ng mga Pilipino ay manggagamit; mas marami pa rin ang may mabubuting kalooban.

“Hindi naman ako mahilig sa noodles pero gusto ko na umuwi na siya kaya binili ko lahat. Tuwang-tuwa siya kasi ‘di siya makapaniwala na uuwi na siya. Hindi ko na rin kinuha ‘yung sukli,” ayon sa kaniya.

Kinuhanan pa niya ito ng video dahil tuwang-tuwa siya sa Koreano. Nag-iwan naman ng mensahe ang netizen para sa lahat.

Imahe mula sa Facebook account ni Justine Herrera Santiago

“Hindi lahat ng foreigner na nandito sa bansa natin ay mayaman, hindi tama na abusuhin sila, inabuso siya pero nagtrabaho pa rin siya nang marangal, nang walang pagsisisi. kasi ganoon ang buhay. Masaya ko sa ginawa ko bago kami mag-picture niyapos niya ko gesture ng pagpapasalamat niya tapos hiningi niya number ko,” aniya.

“Magkakaibang lahi pero pare-parehas tayong anak ng Diyos,” dagdag pa ng netizen.

Magsilbi sana itong aral sa ating lahat na hindi tamang abusuhin ang ating kapwa; kalahi man o banyaga.

Source :

Facebook