Konsultasyon ng mag-aaral sa kaniyang propesor hinggil sa research kinaaliwan




Imahe mula sa Facebook account ni Izuku Deku Soriano / Public Domain Image
  • Kinaaliwan ng mga netizens ang pag-uusap ng isang mag-aaral at propesor
  • Hinggil ito sa konsultasyon ng mag-aaral hinggil sa kaniyang research paper
  • Hindi napalitan ng mag-aaral ang filename nito

Isa sa mga mahahalagang kasanayang kailangang mapagdaanan at matutuhan ng mga mag-aaral sa hayskul at kolehiyo ang pagsasagawa ng pananaliksik o research. Sa pamamagitan nito, yumayabong ang mga iba’t ibang mga kaalaman at tuklas, na maaaring makatulong upang maresolba ang problema o suliranin sa ating lipunan.

Kaya naman, kinaaliwan ng mga netizens ang ibinahaging conversation thread sa FB Messenger ng college professor na nagngangalang “Izuku Deku Soriano” sa isa sa kaniyang mga mag-aaral na itinago naman niya ang pagkakakilanlan. Makikita ito sa Facebook post ng propesor.

Imahe mula sa Facebook account ni Izuku Deku Soriano

Batay sa kanilang pag-uusap, nagpakonsulta sa propesor ang mag-aaral hinggil sa Chapter 2 ng kanilang research paper. Napansin ng propesor na ang file name ng research paper ay “Juskong-Research-To-Ayoko-Na.” Subalit huli na ang lahat. Agad na humingi ng dispensa ang mag-aaral dahil hindi niya napalitan ang file name.

“Ayyyy waaaaa sorry po sir hindi ko na-rename. Sorry po!” paghingi ng tawad ng mag-aaral.

Tumugon naman dito ang propesor. “Sige naintindihan ko naman. Paki-check mo na lang yung correction ko.” At gumanti naman ang guro sa filename nito. Inilagay niya ang “Ulitin-Mo-ito-Para-Pumasa-Ka.”

“Hahaha, sorry na sir,” muling paghingi ng dispensa ng mag-aaral.

Umani naman ito ng reaksyon sa mga netizens.

“Hahaha, next time, i-check muna kasi ang filename bago i-send! Iyan tuloy, nabubuking,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, ” Ganiyan din nangyari sa akin noon. Haha. Ang nangyari naman sa akin, buong file na hindi dapat mabasa ang naipadala ko. Nakakahiya.”

Public Domain Image

Nagsimula ang salitang research (saliksik sa wikang Filipino) mula sa wikang Pranses na “recherche” na nangangahulugang “malapitang pananaliksik, at sa salitang “chercher” na “hanapin.” Ito ay proseso ng paghahanap ng kaalaman o anomang sistematikong imbestigasyon upang mapatunayan ang isang katotohanan.

Sabi pa ng iba pang mga eksperto, ang pananaliksik ay isang matiyaga, maingat, sistematiko, mapanuri at kritikal na pagsisiyasat o pag-aaral sa isang bagay, konsepto, kagawian, problema, isyu o aspeto ng kultura at lipunan.