Handa ka bang alagaan ang iyong mga magulang hanggang pagtanda nila?




Imahe mula sa Facebook account ni Ranel Tala Guelas / Public Domain Image
  • Nabagbag ang kalooban ng mga netizens
  • Dahil ito sa isang artwork na makikita sa isang Facebook page
  • Nagpapakita ito ng pag-aalaga ng isang anak sa kaniyang matandang magulang

Ang mga Pilipino ay likas na mapagmahal sa kani-kanilang pamilya. Ang pamilya ay nagiging sandigan, lakas, at pinagkukuhanan ng inspirasyon upang magawa ang mga bagay. Para sa nakararami, sila ang sagot sa tanong na “Para kanino ka bumabangon” na nauna nang ginamit ng isang TV commercial. Kilala ang mga Pilipino bilang “extended family” o kasa-kasama pa rin ang mga magulang at iba pang mga kaanak hanggang sa pagtanda.

Kaya naman, nagdulot ng kurot sa damdamin ang larawang ibinahagi ng isang netizen na si “Ranel Tala Guelas” sa Facebook page na “Memories of Old Manila and Beyond” kung saan makikita ang isang katang-tanging artwork na nagpapakita ng isang anak na karga at inaalagaan ang kaniyang matandang magulang, na tila ba isang bagong silang na sanggol. Sa ilalim nito, ipinakita ang dating eksena na ang magulang ay nag-aalaga ng kaniyang sanggol na anak. Hindi naman natukoy kung sino ang orihinal na pintor ng naturang larawan.

Imahe mula sa Facebook account ni Ranel Tala Guelas / Public Domain Image

“Do you see the deepness of thought, of its expression? I may say it is the greatest love of all. Say I love my mom so much If you love her too. Express yours,” panghihikayat ng naturang netizen. Gumamit siya ng hashtag na #mymothersloveinrewards.

Marami naman sa mga netizens ang nagbahagi ng kanilang reaksyon, karanasan, at pagninilay hinggil sa naturang post.

“Nang ipinanganak tayo, ina natin ang nagpalaki at nag-aruga sa atin, kaya sa pagtanda nila, sila naman ay atin ding alagaan, huwag din pabayaan,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Huwag kakalimutan ang iyong ina kahit ikaw ay may pamilya na. Ang pag-aalaga o pag aasikaso sa iyong ina ay napakahalaga lalo na sa panahon ng kanilang kahinaan at katandaan na. Ipadama natin ang pagmamahal at importansya nila.”

“I love the reflection of the emotions and sentiments of the art… Speaks volume,” saad naman ng isa.

Imahe mula sa Facebook account ni Ranel Tala Guelas / Public Domain Image

Sa ibang bansa, bukas sila sa ideya na ilagak sa “Home for the Aged” ang kanilang mga magulang na nasa edad na. Wala silang tiyaga upang alagaan sila. Dito sa Pilipinas, hindi natin maaatim na gawin ang bagay na iyon. Mananatili pa rin ang ugnayan ng magulang sa anak, kahit na may sarili na itong pamilya.