Guro binigyan ng pangkulay ang kaniyang mag-aaral




Imahe mula sa Facebook account ni Velcher Castillo
  • Nabagbag ang damdamin ng mga netizens sa isang guro
  • Humingi kasi ng paumanhin ang naturang mag-aaral dahil sa output niya na walang kulay
  • Binigyan niya tuloy ng libreng krayola ang nasabing mag-aaral

Ang pagiging isang guro, kaya tinawag na “dakilang propesyon,” ay hindi lamang nakakahon sa pagtuturo ng mga araling nakasaad sa mapang pangkurikulum, silabus, o banghay-aralin. Kaakibat kasi nito ang taguring “pangalawang magulang” na naglalayong magabayan ang mga mag-aaral na para bang sarili nilang mga anak.

Isang pambihirang karanasan ang isinalaysay ng gurong si “Velcher Castillo” o mas kilala sa tawag na “Sir Vel na na naninirahan at nagtuturo sa isang paaralan sa lalawigan ng Isabela. Pinag-usapan ng mga netizens sa kaniyang Facebook post kung saan ibinahagi niya ang kinaharap na suliranin ng isa sa kaniyang mga mag-aaral hinggil sa ipinagawa niyang gawain, bagay na nakapukaw sa kaniyang atensyon.

Imahe mula sa Facebook account ni Velcher Castillo

“This work from one of my students caught my attention. Sir wala po akong pambili ng krayola sorry po,” panimulang salaysay ni Sir Vel.

Ang naturang gawain ay may kinalaman sa pagguhit. Wala nga itong kulay. Dahil nabagbag ang damdamin ng guro, binigyan niya ng isang kahong pangkulay ang naturang mag-aaral, na naglalaman ng 16 na iba’t ibang stick ng crayons na magagamit nito sa mga susunod pang gawain at asignatura.

“Don’t be sorry, ‘nak. I understand you. Here’s a box of crayons for you. Keep up the good work! See you when this pandemic finally ends. God bless and stay safe,” mensahe ni Sir Vel.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga netizens.

“Sana po lahat ng guro gaya po ninyo na my malasakit sa mga bata. God bless you Sir,” turan ng isa.

Sabi naman ng isa, “Sir, salamat po sa pagbigay sa kanya ng krayola. Maliit man sa inyo ang halaga niyan, tiyak ko napakalaki ng impact sa kanya ng ginawa mo. Nakakaiyak, mabuhay ka sir!”

“Anong sana all maunawain sa estudyante or lahat ng guro ganiyan? You mean sana all ganiyan estudyante gumagawa nang paraan kahit walang-wala,” pahayag naman ng isa.

Imahe mula sa Facebook account ni Velcher Castillo

Nag-iwan naman ng mensahe ang guro sa lahat ng mga mag-aaral na nahihirapan sa pag-aaral sa panahon ng pandemya.

“Para sa bawat estudyante, isang mahigpit na yakap. Kapit lang. Laban lang. Tuloy lang. Magkikita kita muli tayo. Know that your efforts are valid and appreciated. Kahit na at kahit pa,” aniya.

Mabuhay ka, Sir Vel! Saludo po kami sa iyo!

Source :

Facebook