DOTr nagbigay ng “pitong utos” para sa mga pasahero at operators ng PUVs




Imahe mula sa opisyal na Facebook page ng DOTr
  • May pitong utos ang DOTr
  • Para ito sa mga pasahero, drayber, konduktor, at operators ng PUVs
  • Kailangan itong sundin ng lahat upang matiyak ang kaligtasan laban sa COVID-19

Nagbigay ang Department of Transportation o DOTr ng pitong utos o guidelines para sa mga pasahero, drayber, konduktor, at operators ng mga public utility vehicles o PUVs upang maiwasan ang posibleng hawahan ng COVID-19 ngayong pinapayagan na ang pagbiyahe.

Makikita sa opisyal na Facebook page ng DOTr ang kanilang paalala sa publiko na kailangang sundin ang pitong utos na ito para na rin sa kaligtasan ng lahat.

Imahe mula sa opisyal na Facebook page ng DOTr

“PAALALA: May 7 COMMANDMENTS na kailangang sundin ng mga pasahero, drayber, konduktor at operator ng mga pampublikong transportasyon,” paalala nila.

“Ang 7 COMMANDMENTS na ito ay rekomendasyon ng mga health experts upang makatulong sa pagprotekta ng ating kalusugan at kaligtasan, at maiwasan ang pagkalat ng COVID-19, sa gitna ng pagdagdag sa kapasidad ng pampublikong transportasyon.”

Una na rito ang pagsusuot ng face mask at face shield. Pangalawa, ipinagbabawal ang pagsasalita, pakikipag-usap, at pagsagot sa tawag sa cellphone o iba pang gadgets. Pangatlo at pang-apat ipinagbabawal din ang pagkain at kinakailangang may maayos na daluyan ng hangin sa loob ng sasakyan o bentilasyon.

Panlima, kailangang magsagawa ng madalas na pagdidisinfect sa mga upuan at gayundin sa mga taong nasa loob. Pang-anim, mahigpit na ipinagbabawal ang pagsasakay ng pasaherong nagpapakita ng anomang sintomas ng COVID-19. Pampito at panghuli, kinakailangang sumunod ang lahat sa ipinatutupad na physical distancing. Kailangang “one seat apart” ang agwat ng isa’t isa.

“Panawagan po namin ang mahigpit na pagpapatupad ng monitoring and pre-boarding health check sa mga pasahero ng public transportation,” giit pa nila.

“Kapag ang pasahero ay makitaan ng sintomas kagaya ng ubo, sipon at temperaturang 37.8 degrees celsius pataas, hindi po sila papayagang makasakay sa mga tren, bus, jeepney, barko, atbp., upang maingatan po ang iba pang pasahero mula sa banta ng virus.”

“Nawa’y sundin at isapuso po natin ang 7 utos na ito para sa kapakanan ng lahat. Sa inyong kooperasyon at pakikiisa, siguradong mas lalakas ang ating pwersa laban sa COVID-19!” pangwakas na pakiusap at panawagan nila.