Donny Pangilinan “Kapamilya” pa rin kahit may noontime show sa “Kapatid”




Imahe mula sa Instagram account ni Donny Pangilinan / Public Domain Image
  • Kapamilya pa rin si Donny Pangilinan
  • May gagawin pa rin siyang upcoming project sa ABS-CBN
  • Ito ay kahit isa siya sa mga main hosts ng Sunday Noontime Live sa TV5

Nilinaw ng host/VJ na si Donny Pangilinan na bagama’t kasama siya sa pinakabagong musical variety show ng TV5 at Brightlight Productions na “Sunday Noontime Live,” mananatili pa rin siyang isang “Certified Kapamilya” dahil may proyekto pa siyang gagawin sa ABS-CBN.

Makikita sa Instagram post ng “Kapamilya Online World Alerts” ang pahayag ni Donny sa YouTube channel nito na may upcoming project na may working title na “He’s Into Her” na malapit na malapit na ring mapanood sa telebisyon, lalo na at nasa free TV na ulit ang mga piling palabas ng Kapamilya Network sa pamamagitan ng A2Z Channel 11.

Imahe mula sa Instagram account ni Donny Pangilinan

“Hindi po. Hindi po ako lumipat ng TV5. Pero magiging parte po ako ng isang show tuwing linggo. Sasamahan ko muna si Mr. M ang aming tatay sa Star Magic. Pero hindi magiging permanent ang appearance ko doon dahil marami pa akong gagawin sa ABS-CBN,” bahagi ng pahayag ng host.

Nitong Oktubre 18, 2020, nagsimula na ngang umarangkada ang pilot episode ng SNL sa TV5 kasama sina Piolo Pascual, Catriona Gray, Jake Ejercito, at Maja Salvador na talaga namang pinag-usapan ng mga netizens, at inulan ng positibong feedback.

Natuwa naman ang mga Kapamilya fans ni Donny sa sinabing ito ng kanilang idolo.

“See? I don’t understand why some are ******* Kapamilya artists na magiging visible sa TV5? Nakaka-miss yung panahon na puwedeng maglipat-lipat sa magkakatapat na channel ang mga artista. Kung may competition man dapat healthy para mas mag-improve ang palabas,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Tama naman itong si Donny, di naman sila exclusive sa TV5, tuwing linggo lang naman ‘yong show nila. Hindi naman nila tinapatan yong ASAP kundi sanib-puwersa nilang tatapatan ‘yong AOS ng GMA. Tandaan: ang Kapatid ay isa ring Kapamilya.”

Imahe mula sa Instagram account ni Donny Pangilinan

“Huwag na kasi magalit sa mga artist. Pagkakaalam ko, under pa rin sila ng Star Magic, ang talent-management arm ng ABS-CBN, so technically Kapamilya pa rin sila. Feeling ko nga ang Brightlight Productions, somehow, ay may share din o pinopondohan ng ABS eh. Akin lang naman ito ah,” wika naman ng isa.

Abangan ang seryeng “He’s Into Her” kasama si Donny Pangilinan sa takdang panahon.

Source :

Instagram