DepEd binigyang-pugay at pinasalamatan ang mga teacher-broadcasters




Imahe mula sa Facebook page ng DepEd / Ron Canimo
  • Pinahalagahan ng DepEd ang mga teacher-broadcasters
  • Ginamit nilang lunsaran ang isang Facebook post mula sa isang guro
  • Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at saloobin mula sa mga netizens

Binigyang-pugay at pinasalamatan ng Department of Education o DepEd ang mga teacher-broadcasters sa kanilang husay at dedikasyon upang maipahatid sa mga mag-aaral ang mga aralin sa iba’t ibang asignatura sa pamamagitan ng broadcasting sa telebisyon.

Makikita sa Facebook page na “DepEd Tayo” ang pagpupugay at pasasalamat nila sa mga teacher-broadcasters na hindi rin biro ang mga pagsasanay na pinagdaanan upang mapaghusay lamang ang kalidad ng paghahatid ng mga aralin sa pamamagitan ng DepEd TV. Ginamit na lunsaran sa pagpupugay na ito ang Facebook post naman ng gurong netizen na si “Ron Canimo.”

Imahe mula sa Facebook page ng DepEd / Ron Canimo

“Isa ka ba sa patuloy na sumusubaybay sa DepEd TV? Napansin mo ba ang galing nila Mam at Ser? Alam mo ba na sila mismo ang nagsusulat ng kanilang script? Maraming Salamat po Mam at Ser sa patuloy na paghahatid sa amin ng mga kaalaman!” ayon sa caption ng post ng DepEd.

Hinikayat ng DepEd na basahin ng mga netizens ang napakagandang mensahe ni Canimo.

“Huwag ninyo po sanang maramdaman na balewala ang kaba, takot, puyat at pagod ninyo. Sa lahat ng aral na ibinabahagi po ninyo –kayo po ang aral sa pandemyang ito. Salamat po dahil hindi kayo huminto, kahit sinasabi na ng mundo,” bahagi ng post ni Canimo.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Mabuhay po ang ating mga mahal na guro! Kahit na ano pang sabihin nila, maituturing po kayong mga frontliners, at kapag frontliners, bayani ng kasalukuyan!” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Ang lakas ng mga salita. Sa puso namin ay nagmarka. Sapat upang kami’y umariba. Puso ay lalaban lalo para sa bata.”

Imahe mula sa Facebook page ng DepEd / Ron Canimo

“My daughter loves to watch and learn from you everyday. Keep it up. Hindi na siya nahihirapang magsagot sa module kasi napapanood na niya. Great help to us!” pasasalamat naman ng isang magulang.

Mabuhay ang mga teacher-broadcasters at lahat ng mga guro sa buong mundo!