“Day 1 Rolling!” Shooting ng prequel ng “Four Sisters and a Wedding” nagsimula na




Imahe mula sa Instagram account ni Alexa Ilacad / Public Domain Image
  • Umarangkada na ang shooting ng prequel ng “Four Sisters and a Wedding”
  • Ito ay 2013 comedy-drama film ng Star Cinema
  • Ang mga bagong gaganap bilang mga teen versions ng mga karakter ay sina Alexa Ilacad, Gillian Vicencio, Charlie Dizon, at Belle Mariano

“Day 1: Rolling!”

Kinumpirma ng isa sa mga casts ng prequel ng patok na comedy-drama film na “Four Sisters and a Wedding” na si Alexa Ilacad na nagsimula na nga ang kanilang shooting sa kabila ng pandemya.

Makikita sa Instagram post ni Ilacad ang kompirmasyon nitong Oktubre 10, 2020, na gaganap sa naging role ni Bea Alonzo na teenager na “Bobbie.”

Imahe mula sa Instagram account ni Alexa Ilacad

Samantala, si Gillian Vicencio naman ang gaganap na teenager na “Alex” na ginampanan naman ni Angel Locsin, si Charlie Dizon naman para sa panganay na anak na si “Teddie” na isinabuhay ni Toni Gonzaga, at si Belle Mariano naman para kay “Gabbie” na karakter ni Shaina Magdayao.

Inihayag din ni Ilacad na ang naturang pelikula ay nasa direksyon ni Mae Cruz-Alviar, na siyang nagdirehe ng teleseryeng “Dolce Amore” nina Liza Soberano at Enrique Gil o mas kilala bilang LizQuen, at pelikulang “Crazy Beautiful You” nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla na mas tanyag bilang KathNiel.

Nang ihayag ang tungkol sa proyekto noong Pebrero, ang hahawak umano nito bilang direktor ay si Giselle Andres, na ngayon ay pinalitan na nga ni Mae Cruz-Alviar.

Ang orihinal na “Four Sisters and a Wedding” ay dinerehe ng batikang direktor na si Cathy Garcia-Molina na nakabatay naman sa screenplay ng isa pang mahusay na direktor na si Jose Javier Reyes. Sina Teddie, Bobbie, Alex, at Gabbie ay mga Salazar sisters na tumataliwas sa pagpapakasal ng kaniyang bunsong lalaki na si CJ, na ginampanan naman ni Enchong Dee.

Public Domain Image

Bukod dito, may kani-kaniyang isyu rin pala ang magkakapatid sa isa’t isa, na naresolba naman nila sa mga di-inaasahang pagkakataon. Gumanap na ina nila rito ang premyadong aktres na si Coney Reyes.

Ilan lamang sa mga tumatak na eksena rito ay ang linya ni Bobbie na “Bakit parang kasalanan ko?” at ang pagsabunot at pagkaladkad ni Alex sa karakter na ginampanan ni Mocha Uson, dahil nahuli niya itong nakikipaghalikan sa nobyo, na ginampanan naman ni Bernard Palanca.

Marami na sa mga fans ng pelikula ang nananabik na mapanood ang prequel na ito.