Buhay-teacher: Guro tumugon pa sa nagtatanong na mag-aaral kahit na araw ng kanyang kasal




Imahe mula sa Facebook account ni Ser Dholf
  • Kinatuwaan at kinakiligan ng mga netizens ang isang guro sa Cavite
  • Ipinakita niya kasi ang kaniyang kumbersasyon sa isang mag-aaral na nagtatanong sa kaniya hinggil sa gawaing kailangang sagutin
  • Tumugon pa rin siya rito kahit ikakasal na pala siya sa araw na iyon

Sabi nga, ang pagiging guro ay hindi natatapos sa apat na sulok ng silid-aralan; at maaaring dahil sa “Bagong Normal” na pagtuturo, hindi natatapos kahit weekend.

Makikita sa Facebook post ni Sir  Rhandholf Fajardo, isang guro ng asignaturang MAPEH sa Grade 9, ang kaniyang pagtugon sa tanong ng kaniyang mag-aaral kung ano ang kailangan nilang sagutan. Imbes na sagutin ang tanong, sinabi ni Sir Dholf na “Wait lang nak, ikakasal lang si sir” at ipinadala pa ang selfie niya sa kaniyang bride.  Nilagyan naman niya ang caption ng post ng hashtag “#SagotKahitWeekends” at “BuhayTeacher.”

Imahe mula sa Facebook account ni Ser Dholf

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens, na hindi maiwasang kiligin kay Sir.

“That you found time to reply to your student despite your big event. Congratulations and best wishes, Sir!” pagbati ng isa.

Turan naman ng isa, “We have to teach our dear students to not text or chat their teachers kasi may ganap din naman sila during weekend. Anyway, congratulations to you, sir! You are one of the examples of dedicated teachers na willing isantabi ang personal na buhay para lang sa mga students nila!”

“Congratulations sir! Best wishes! Thank you sa pagbigay mo nang kaunting time sa iyong ‘anak’ on your very special day!” wika naman ng isa.

Ayon sa panayam ng “GO Cavite” sa naturang guro sa Cavite National High School, hindi raw muna niya naiisip ang “honeymoon” dahil marami raw trabaho at marami pa siyang sasaguting mga “anak” hinggil sa kanilang mga konsultasyon sa pagsagot sa learning modules.

Imahe mula sa Facebook account ni Ser Dholf

“Wala po munang honeymoon plan as of now, hehe marami pang rereplayan sa students haha… siguro nasanay lang talaga na anak/nak ang tawag ko sa mga students ko, for them na maging comfortable sila to communicate with me. Lalo na ngayon na distance learning yung system ng Education,” aniya.

“Gusto ko, okay yung communication ng mga students ko sa akin, hindi sila maalangan mag-question pag nahihirapan sila sa modules, and sinabi ko rin sa kanila na message n’yo lang si Sir, sasagot ako,” dagdag pa niya.

Congratulations at best wishes, Sir Dholf at sa iyong misis!