“Budget-friendly!” Mga sitsirya ginawang handa sa birthday party




Imahe mula sa Facebook account ni Angelo Bermas
  • Kinatuwaan ang isang birthday celebration ng magbabarkada sa Pasay City
  • Puro kasi sitsirya ang kanilang mga handa para sa kaibigan
  • Wala raw kasi silang budget kaya ganoon na lamang ang ginawa nila

Isa sa mga pinakamahahalagang pagdiriwang sa buhay ng tao ang araw ng kaniyang kapanganakan. Naging tradisyon na ang paghahanda at magpakain sa mga kapamilya, kaibigan, katrabaho, at mga bisita. Tipikal na inihahanda ang mga pagkaing spaghetti, pansit, cake, hotdog, fried chicken, lumpiang shanghai, at iba pa.

Subalit “budget-friendly” naman ang naisip na paraan ng mga magkakaibigan sa Pasay City matapos nilang handugan ng kakaibang handa ang kanilang katropa. Makikita ito sa Facebook post ni Angelo Bermas, kung saan puro sitsirya ang kanilang mga inihaing putahe.

Imahe mula sa Facebook account ni Angelo Bermas

“Pasensya na Pejie naubusan ng gas kanina kaya di namin naluto yung paborito mong lumpia. Pero we got you back Happy Birthday,” ayon sa caption ng post. Ang kanilang kaibigan ay nagdiwang ng ika-18 taong kaarawan nito.

Makikita sa larawan ang mga sitsiryang “Lumpia cheese flavor” bilang kapalit sa totoong lumpiang shanghai, sitsiryang “Bangus,” sitsiryang “Mang Inasal,” “sitsiryang “Sarap Asim” at sitsiryang “Cheepee na Mataba.”

Ang ginawa naman nilang birthday cake ay isang napakaliit na chocolate cup cake na may nakatulos pang malaking kandila para sa birthday wish.

“Wala po kasi kaming budget noon so, kahit papaano, may handa kami at kaunting salusalo saka kasiyahan lang,” sabi ng uploader na si Angelo.

Good vibes naman ang hatid nito sa mga netizens.

“Alam na… iyan ang pulutan nila para sa tomahan hahaha, ang bright ninyo mga brad! Simple celebration na pinagkatuwaan,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “This is cool! Infairness nakita ko ang ka-sweetan ng mga magbabarkada, kahit na mga junk foods lang ang handa, ang mahalaga sama-sama at naalala ang birthday!”

Imahe mula sa Facebook account ni Angelo Bermas

“Hahahaha, this is very cool and unique! Hindi naman mahalaga ang handa lalo na nasa gitna tayo ng pandemic. Ang importante, naalala ninyo kaibigan ninyo. Happy birthday po!

Sa kaniyang Facebook post, nagpasalamat naman ang birthday celebrator sa kaniyang mga katropang “maloko” ngunit sweet at maaasahang mga kaibigan.

Source :

Facebook, News 5